Una sa Balita

Huwag mag-panic

0 636

Hindi pa man tuluyang nawawala ang naging epekto ng pagputok ng Bulkang Taal sa Batangas noong Enero, heto’t nahaharap na naman tayo sa isang kalamidad. Pero hindi gaya ng sa Batangas, lubhang malaki ang sakop ng nagbabadyang panganib, pandaigdig.

Naalala ko ang lumang salitang madalas nating gamitin upang ilarawan ang hindi kanais-nais na nagdudulot ng sakit o kamatayan: Salot. Narito ang totoong salot. Hindi lamang nagdudulot ng sakit at kamatayan, nagdudulot lalo ito ng iba pang epekto sa pagkatao at lipunan.

Maraming nababahala sa panganib na dulot ng salot na ito. May dahilan naman kasi talaga. Hindi gaya ng ilang kalamidad, ang salot na kung tawagin ay COVID-19, ay hindi makikita o mararamdaman sa simula kung tinamaan ka na. O kung ang kausap mo nga­yong tao ay mayroon nang sakit. Hindi agad-agad malalaman, lalong hindi agad matre-trace o makikilala ang may dalang sakit.

Maaaring maapektuhan ang karamihan, lalo na iyong kailangang lumabas ng bahay para magtrabaho o mag-aral. Pero habang isinusulat ko ito, kanselado ang tradisyonal na klase sa Metro Manila. Tradisyonal dahil gaya ng matandang unibersidad na pinagtuturuan ko, may computer and internet option para magturo ang propesor sa kombinyenteng lugar gaya ng aming bahay.

Pero hindi ganito ang karamihan. Kailangang lumabas, kailangang sumakay sa pampublikong transportasyon, kaila­ngang makihalubilo lalo’t bahagi ng trabaho. Kaya prone na agad na mahawahan.

Wala akong maala­lang nag-alala ang maraming kababayan natin. May ilang gunita ako sa SARS noong kasisimula ng bagong milen­yo. Pero agad itong naglaho. Samantala, hindi naman nakarating sa bansa natin ang MERSCov mga ilang taon na ang lumipas.

Masidhi ito. Kalat sa mundo. Nakaririndi ang balita. Nakakatakot pa nga lalo’t habang isinusulat ko ito, mabilis ang pagdami ng apektado sa ating bansa. Kaya naman laman din ng balita—bukod sa mismong kalagayan ng pagkalat ng sakit—ang reaksyon ng mga tao. Panic buyin­g. Iyong pamimili sa mga supermarket at palengke ng kahit anong sa tingin ng mamimili ay kakaila­nganin nila para mag-survive.

Nakita ko sa social media, habang isinusulat ko ito, kung paanong naubos ang stock ng rubbing alcohol sa ilang botika at supermarket. Magagamit kasi sa pagdi-disinfect ng kamay. Kaya hayun, kung dati ay maraming supply, paisa-isa lang ang bili ng indibidwal, ngayon, ubos na ubos. Bawat indibidwal akala mo ay maliligo sa rubbing alcohol.

Panic. Isang salitang kung tutugisin ang pinagmulan o etymology, mauunawaan nating lalo ang ating kalagayan. Galing sa mitolohiyang Griyego ang salitang ‘panic’ na dumaloy patungo sa latin na ‘panikos’.

Mula sa mitolohikal na diyos na si Pan, ang diyos ng pagpapastol na anak nina Hermes at Penelope. Inilalarawan si Pan bilang malakas, wild o ilahas.

At dahil dito, nagdudulot si Pan ng kaguluhan sa pagtitipon. Kaguluhang kung tutuusin daw noon, ay walang dahilan ni kabuluhan. Hindi ba’t ganito ang panic? Nagdudulot ng kaguluhan, na kung tutuusin, madali naman sanang iorganisa?

Alagaan ang sarili. Pero puwede ba, huwag mag-panic. Ginagawa ng mga eksperto ang kanilang tungkulin upang maging ligtas tayo laban sa salot na ito.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More