Una sa Balita

Huwag mag-panic

0 865

Nag-panic buying ang maraming mayayaman sa grocery nang mabalitaan na ila-lockdown ang buong NCR. Halos magkaubusan ng laman ang mga grocery. Samantalang wala namang problema sa supply dahil hindi naman humihinto ang produksyon ng mga pangunahing bilihin. Maliban nga lang sa surgical mask at alcohol. Maging ako wala nang mabili kahit saan.

Ngunit, walang ma­gawa sina Mang Nando kundi magulat na lang. Hindi naman sila makapag-panic buying dahil unang-una, wala silang pang-buying. Kaya ang biro na lamang niya ay, “kung ang mayayaman ay nagpa-panic buying, kaming mahihirap ay nagpa-panic na lang.” Ngunit tila ‘di ito iniinda ng mga tulad ni Mang Nando. Ayon pa sa kanya, “mas mataas ang aming panlaban sa ‘beeerus’ na ‘yan, dahil matagal na kaming lantad sa mga ‘beerus’.

Matibay ang aming pangangatawan.”

Siguro nga marahil. Dahil mas exposed sila sa maduming kapaligiran, mas mataas ang kanilang anti-bodies, ang panlaban sa mga sakit. “‘Di tulad ng mga malilinis na lahat na lang ay pinupunasan, mas madali silang kapitan,” dagdag pa niya. May punto si Mang Nando.

Ngunit likas yata talaga ang sakit na panic buying lalo na sa mga mayayaman. Tila ayaw o walang kapitbahay, at kinuha nang halos lahat ng laman ng grocery. ‘Yung isang cart sa grocery pinuno ng alcohol. Walang itinira sa iba. Kundi ba naman larawan ‘yan ng pagkaganid. At walang pagpapahalaga sa iba.

Sa panahon ng sakuna, lumalabas din talaga ang tunay na kulay ng mga tao. Siyempre uunahin ang sarili, bago ang iba. Ngunit sana naman ay maging sensitibo at huwag namang ubusin ang laman ng grocery. Isipin din ang kapwa na nangangailangan.

Sa panahon ngayon kahit na tayo ay naka-quarantine, huwag ipagpawalang bahala ang pakikipagkapwa. Mahalaga ito sa atin bilang mga Pilipino. Tatakbo at tatakbo pa rin tayo sa ating kapitbahay ‘pag nagkaroon ng ‘di inaasahang pangyayari sa buhay natin. Walang ibang dadamay sa atin kundi ang ating kapitbahay o kapwa.

Kaya huwag sana tayong patangay sa makasariling ugali ng tao. Maging mahinahon at ipakita ang pakikipagkapwa. Dahil tayo ‘yan, ganyan ang Pilipino.

Mag-ingat ang lahat. Sumunod sa social distancing. Huwag pagala-gala sa lansangan at sa lugar na matao. Umiwas din sa mga enclosed na lugar. Magtakip ng bibig kung nauubo, huwag kang magagalit sa katabi mo kung naubo ka, e, bigla kang nilayuan. Normal na reaksyon ‘yan sa panahong ito.

Magpasigla. Uminom ng maraming tubig at vitamin C, nang lumakas ang immune system. Alamin ang mga paalala ng mga kinauukulan, lalo na ang mga eksperto.

Huwag mag-panic! Lumagi sa bahay. Kaya nating lagpasan ang sakunang ito.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More