Una sa Balita

Huwag kalimutan ang kalusugan ng kaisipan sa panahon ng virus

0 410

Sa mabilis na pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19), mabilis ding kumakalat ang epekto nito sa ating mental health dahil sa stress.

Lahat tayo ay may takot, hindi tayo mapakali. Napakahirap na hindi makapaghanapbuhay lalo na kung ‘no work no pay’, at kung tayo ay nabubuhay sa pagtitinda at pagpasada na arawan kung kumita. 

Ang atin ding mga senior citizen na pinakalantad sa sakit na ito, doble rin ang pag-aalala.

Hindi lang para sa kanila, kundi sa kanilang mga anak at apo na posibleng apektado ang hanapbuhay ng community quarantine, o kaya ay mga nagseserbisyo bilang doktor o nars. 

Sobra-sobra ang ating stress. Hindi natin alam kung saan tayo mauuna magkasakit: Sa gutom, sa COVID-19 o sa labis na pag-iisip.

Ayon sa mga espesyalista, puwedeng bumaba ang ating resistensiya kapag patuloy tayong nakakaramdam ng stress. Kaya bago pa tayo tamaan ng sakit dahil sa stress, take a break muna at sundin ang tips na ito para mapangalagaan ang kalusugan ng ating isipan.

1. Bigyan ng oras ang sarili para hindi mag-panic o matakot, pagkatapos ay gawin ito: Pumunta sa tahimik na lugar. Ipikit ang mata. Alisin ano man ang nasa isipan. Inhale-exhale po tayo ng 5 beses. Ramdamin ang bawat paghinga. Gawin ito kada makakaramdam ng labis na pag-aalala.

 2. Makinig ng radyo o manood ng balita para dagdagan ang kaalaman tungkol sa COVID-19. Ayon sa mga eksperto, ang tamang kaalaman ay nakakabawas ng takot. Malalaman natin dito na may ayuda para sa mga nawalan ng hanapbuhay, o ‘di kaya ay naipagpa­liban ang pagsingil sa buwanang bayarin gaya ng kuryente, tubig, internet, at iba pa. 

3. Makipagugnayan sa inyong barangay. Muli po, ang kaalaman ay naka­kabawas sa ating takot. Dito natin malalaman kung may food packs o hygiene packs para sa atin, o kaya ay libreng sakay para sa mga health workers, essential workers at emergencies.

4. Limitahan ang oras sa social media. Mara­ming mali at negatibong impormasyon sa social media na puwedeng mas makapagpalala pa sa ating alalahanin. Ilaan na lang ito sa paglilinis ng bahay, pag-eehersisyo o iba pang mas makabuluhang bagay.

5. Ang social distancing ay hindi nangangahulugan ng paglayo sa ating mga kaibigan o kapamilya. Ngayon natin mas kaila­ngang maging konektado sa kanila lalo pa kung sila ay nagtatrabaho sa malayo. Gumawa ng group chat. Kumustahin natin sila sa text message. Kung may extrang pang-load, tawagan natin sila. Sa ganitong paraan, ‘di natin mararamdamang mag-isa tayo sa ganitong sitwasyon.

6. Patuloy na magdasal at manalig, ano man ang ating pananampalataya o espiritwalidad. 

Hindi madali ang ating kinakaharap. Pero sa gitna ng pagsubok, nananaig pa rin ang magagandang katangian ng Pinoy.

Patuloy ang bayanihan at tulungan upang makaagapay ang bawat isa sa araw-araw. Maging dahilan sana ito upang patuloy tayong maging positibo. 

Kaya ikaw na nagbabasa, kung nawawalan ka ng pag-asa, tandaan mo, Pinoy ka! Kahit ano pa mang sakuna o kalamidad ang dumaan sa atin, patuloy tayong bumabangon at baba­ngon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More