Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Huwag ipilit sa loob ng mga military camp

0 232

Paulit-ulit ang pagbabalik ng isyung ito sa atin: ang pagpupumilit na maglagay ng cell towers sa loob ng mga kampo militar natin ang isang telecoms company na 40% ng pagmamay-ari ay sa China.

Wala man lang bang kinukutuban sa mga opisyal ng pamahalaan kung bakit sa sobrang lawak ng Pilipinas, nagpipilit ang China telecoms na maglagay ng cell towers sa loob ng mga kampo natin?

Sa 30 milyong ektaryang lupain sa buong Pilipinas, napili pa nilang sa loob ng military camps natin sila magtayo ng cell sites. At sa gitna ito ng kabi-kabilang insidente at kumpirmadong ulat na tuloy-tuloy na aktibidad ng China at mga tao nila sa West Philippine Sea (WPS) at sa loob mismo ng dagat na ekslusibong nasasakop ng Pilipinas.

Marami nang naitayong military facilities at outposts ang China sa WPS na napakalapit sa atin.

Kung hindi natin babantayan at ipaglalaban ang karapatan ng Pilipinas sa dagat na sakop ng ating exclusive economic zone, malaki ang panganib na mawala ito sa atin, kasama ang mga natural resources na matatagpuan doon.

Kung hindi ako nagkakamali, kasing laki ng lupain ng buong Pilipinas, kung hindi man mas malaki pa ng kaunti, ang sukat ng ating exclusive economic zone. Ito ang parte ng dagat mula sa coastline ng Pilipinas kung saan Pilipinas lang ang may ekslusibong karapatan upang mangisda, pagyamanin at pakinabangan ang anumang bagay na matatagpuan doon.

Pinapalibutan at pinapatrolya na ito ng maraming Chinese vessels, maging ng coast guards at navy nila. Panay din ang ikot doon ng Chinese vessels na nagsasagawa ng survey ng ilalim ng dagat.

Itong mga ganitong insidente ang nakakalikha ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas, China at mga katabing bansa sa Asya. At gusto pa natin ngayon na payagan silang maglagay ng cell towers sa loob ng ating military camps?

Kung talagang serbisyo at negosyo lang ang pakay nila, sa halip na military camps ay irerekomenda kong sa 50,000 public schools at state university campuses sa buong Pilipinas sila maglagay ng cell towers. Gawing parte ng bayad sa renta ang pagbibigay nila ng libre at mabilis na internet sa mga estudyante at teachers.

Kahit saang parte ng Pilipinas ay pwedeng magtayo ng cell towers ang China telecoms, pwera lang sa 25 Navy bases at stations, 53 Army bases, at 17 air bases at stations natin.

Hindi masamang maging praning lalo’t kung kapakanan at seguridad ng Pilipinas at mga Pilipino ang pinag-uusapan natin.

Kung mga nurses at doctors ang frontliners natin sa panahon ng pandemya, itong mga miltary bases and camps ang panangga natin sa mga dayuhang pwersa. Kaya’t mahalagang ligtas sila at ang mga sensitibong impormasyon natin sa loob ng ating mga kampo.

Mas mainam na ang nag-iingat sa bantay-salakay, kesa magsisi tayo sa bandang huli.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.