Una sa Balita

Huwag daw reklamador at iyakin

By
0 581

Sa dami ng mga dumadaing sa mahal na presyo ng mga bilihin, serbisyo, matrikula, produktong petrolyo, at nakaambang taas-singil sa pamasahe, hinding-hindi makatutulong ang walang pagmamalasakit na pahayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno.

Sa lahat ng mga lumalabas na balita nga­yon, walang karaniwang manggagawa na nagsabi na okey lang at ayos na ayos lang ang pagtaas ng mga bilihin at iba pa dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Kahit nga ang ibang empleyado na higit sa minimum wage ang sahod, umaangal na walang silbi ang nadagdag sa kanilang suweldo dahil sa exemption o kaltas sa income tax dahil napupunta rin sa tumaas na gastusin.

Siguro ang matutuwa lang o walang paki sa pagtaas ng mga bilihin at gasolina ay ang mga visor, executive at mga katulad ni Diokno na ubod sa laki ang sahod at may mga allo­wance pa. Sila ‘yung yakang-yaka na tumaas pa na kahit sky is the limit ang presyo ng produktong petrolyo.

Aba’y magkano nga ba ang ari-arian ni Sec. Diok­no ngayon base sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN)? Sa inilabas na listahan ng SALN ng mga miyembro ng gabinete ni Pa­ngulong Mayor Duterte, hindi pa yata kasama ang pangalan ni Diokno. Sabi ng atin­g kurimaw na minimum lang ang sahod, baka nahihirapan daw na kompyutin ang kayamanan ni secretary kaya natatagalan.

Pero noong nakaraang taon, iniulat na P19.8 mil­yon daw ang ari-arian ni Diokno. Aba’y milyonaryo naman pala si secretary kaya balewala sa kanya ang epek ng TRAIN Law. Bukod doon, nasa kamay ni Diokno ang kagawaran ng pondo ng gobyerno.

Buweno, sabi kasi ni Diokno, huwag daw dapat maging reklamador at iyakin ang mga Pinoy sa tumataas na bilihin dahil ang buwis naman daw na nakokolekta sa TRAIN Law ay ginagamit ng gobyerno sa serbisyo sa mga tao.

Ipinaalala rin ni Diokno na noong panahon ni da­ting Pangulong Gloria Arroyo, umabot daw sa $135 per barrel ang presyo ng krudo. Sa ngayon, malapit na itong umabot sa $80 per barrel. Sa ilalim ng TRAIN Law, dapat suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo kapag naabot na ang $80 per barrel na presyo.

Pero mukhang hindi natumbok ng matalino pero tila insensitive na kalihim ang sitwasyon noon sa nga­yon. Magkano ang palitan ng dolyar at piso noon? Kumusta ang inflation o pres­yo ng bilihin at serbisyo noon? Kumusta ang sitwas­yon ng trapiko noon?

Magkano ang presyo ng langis­ noon? Magkano ang sahod ng mga manggagawa noon? Gaano kalaki ang excise tax sa produktong petrol­yo noon? At may puso kaya si Secretary Diokno, gaya nang sinasabi ni Foreign Affairs Alan Cayetano na ang lamang ng mga Pinoy sa China sa isyu ng agawan sa teritoryo eh — puso!

Tanong pa ng ating kurimaw, noong panahon ni Arroyo, alam ba ni Diok­no kung gaano kaligalig ang administrasyon nito na muntik-muntikan na rin makudeta at ma-impeach?

Dahil budget chief si Diokno, siguro naman eh alam niya kung gaano karami ang milyon-milyong minimum wage earner at mga informal worker (mga taong walang tiyak na pagkakakitaan at kasama sa mga tinatawag niyang mga ‘iyakin’) na hirap na hirap na ngayong mairaos ang kanilang pang-araw-araw na buhay dahil kapos na ang kanilang kinikita. Tapos nawala pa sa merkado ang murang bigas ng NFA.

Kung ganito kamanhid sa mga naghihikahos si ­Diokno, hindi nakapagtataka kung hindi handa ang safety nets at mga prog­ramang alalayan sana sa mga pinakamahihirap na apektado ng TRAIN Law. Katunayan, ngayon pa lang lumabas ang ibang plano kung papaano maiibsan ang epekto ng pagtaas ng mga bilihin at iba pa.

At kung hindi maunawaan ni Diokno ang mahirap na kalagayan ng mga apektado ng TRAIN Law at mataas na bilihin at iba pa, siya na lang ang unawain. Siya kasi ang budget chief kaya natural na ang tanging laman ng kanyang utak ay buwis at perang makokolek­ta kahit sa mga naghihikahos na mamamayan. La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”