Una sa Balita

Huwag daw gumamit ng condom?

By
0 1,041

Kamakailan, sinabihan ni Pre­sidente Rodrigo Duterte ang publiko na huwag gumamit ng mga condom dahil hindi raw ito masarap. Hello? Isa itong iresponsableng pahayag na naglalagay sa ibayong panganib ang kalusugan ng mamamayan. Hindi ito nakakatulong sa edukasyon ng mamamayan, lalo na sa pagsugpo ng pag­laganap ng HIV-AIDS at lumalaking bilang ng teen pregnancies.

Dahil sa kanyang pahayag, tinatanggalan ng Presidente ang mga Filipino ng karapatan na magkaroon ng pinakamalawak na opsyon sa pagpaplano ng kanilang mga pamilya, pag-iwas laban sa mga sexually transmitted diseases (STDs) at pagsugpo sa tumataas na bilang ng teenage pregnancies.

Baka hindi nababatid ng ating Pangulo na ang condom ay nanatiling isa sa pinakaepektibo at murang paraan para makatulong sa family planning. Mabisa rin ito sa prevention ng STDs at unwanted pregnancies, lalo na sa mga kabataan.

Bukod dito, dahil sa pahayag ng Presidente na huwag gumamit ng condom at mag-pills na lang, tila inaasa ng gobyerno ang fa­mily planning sa mga kababaihan lamang. Hindi ito katanggap-tanggap. Isa itong machong kaisipan na dapat baguhin. Hindi lamang responsibilidad at bagahe ng babae ang pagpaplano ng pamilya. Sa mahalaga at mabigat na responsibilidad na ito, mahalaga ang pantay na gampanin dito ng mga lalake.

Ito rin ay salungat sa prinsipyo ng Reproductive Health (RH) Law na binibigyan ng pantay na responsibilidad ang lahat sa pagpaplano ng pamilya. Kung talagang sinusuportahan ng Pa­ngulo ang batas na ito, dapat bawiin niya ang kanyang iresponsableng pahayag.

Nakakalungkot ang pahayag ng Pangulo. Bilang pinakamataas na lider ng bansa, siya ay inaasahang magbigay ng mga klaro at makabuluhang mga pahayag na tutulong sa pagsusulong ng mga progresibong polisiya at positibong pagbabago sa kaugalian ng ating mga kababa­yan, lalo na kung ito ay sa usapin ng kalusugan.

Ganu’n pa man, bilang senador at tagapagsulong ng karapatan sa kalusugan ng mamamayan, patuloy nating isusulong ang mga batas para lunasan ang problema sa HIV-AIDS at teenage pregnancy. Sa ilalim ng Senate Bill No. 376 o Philippine HIV and AIDS Policy Bill ay umaasang magkaroon ng mas malawak na pagtugon mula sa gobyerno para sa mga panga­ngailangan ng mga may kababayan nating may HIV at AIDS.

Ang Senate Bill 1482 o Teenage Pregnancy Prevention Act ay nag­lalayon na magkaroon ng pambansang polisiya upang mabawasan ang mga kaso ng teenage pregnancy sa bansa.

Sa ating sama-samang pagtutulungan, buo ang aking tiwala na maipapasa natin ang mga batas na ito para mas lalong mapabuti ang kalusugan ng ating mamamayan.
***
Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pang­kababaihan kay Se­nator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com