Una sa Balita

Hunyo, Month of the Sacred Heart!

By
0 590

Tinaguriang ‘Month of the Sacred Heart’ ang Hunyo sapagkat sa buwan na ito ginugunita ang Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus. Ngayong Biyernes na nga ang nasabing Pista. Mula pagkabata, namulat tayo sa kaugaliang ialay ang araw ng Biyernes sa Banal na Puso ni Kristo at paulit-ulit na italaga ang sarili sa dakilang pag-ibig ng Diyos.

Ang debosyon sa Sacred Heart ay tugon sa personal na hiling ng Panginoong HesuKristo noong 1675 nang magpakita ito kay Santa Margarita Maria Alacoque sa Paray-le-Monial kung saan Kanyang ipinangako na ang Kanyang Kamahal-mahalang Puso ang magsisilbing takbuhan at konsolasyon ng mga kaluluwa lalo na sa huling oras ng buhay.

Saad ng Panginoon kay Sor Margaret: “Sa nag-uumapaw na awa ng aking Puso, ipinanga­ngako kong ipagkakaloob sa lahat ng tatanggap ng Komunyon tuwing Unang Biyernes sa siyam na magkakasunod na buwan ang biyaya ng lubos na pagsisisi at hindi kailanman sila mamamatay sa kapahamakan nang hindi tumatangap ng mga Sakaramento.”

At nagsimula nga ang pagkilala sa Mahal na Puso bilang parte ng popular na relihiyosidad at mahalagang sangkap ng liturhiya at teolohiyang Katoliko. Dahil kay Sor Alacoque naging bahagi ng doktrina ng Simbahan na ang Banal na Puso at Eukaristiya at ‘inspirasyon’ sa likod ng turo ng Vatican II ukol sa Santa Misa bilang ‘sanhi at tugatog ng buhay-Kristiyano’ na lubos na mauunawan lamang daw sa pagninilay sa Kamahal-mahalang Puso.

Mula noon hanggang ngayon, buo ang suporta ng mga Santo Papa at panghihikayat ng Simbahan tupdin ang kahilingan ni Hesus tungo sa lubos na pagsuko ng sarili sa Kanyang Banal na Puso na nasugatan dahil sa kasalanan ng mga tao. Ang paanyaya ng langit malugod na niyakap ng mga Katoliko ang nasabing ‘debosyon’ at naging natatanging ‘uri ng buhay’ o panata na nangangahulugang total na pagtatalaga ng sarili, pagbabalik-loob at pagbabayad-puri.

Ayon sa ‘Magisterium’ ng Simbahang Katolika dahil sa impluwensiya at panlilinlang ng demonyo, napakarami na ang nakalimot sa Diyos at nanghinawa sa pananampalataya kaya’t umaasa ang Simbahan na sa muling pagtatalaga ng sarili sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, masosolusyunan ang kalunos-lunos na kalagayan at seryosong mga problema na hinaharap ng daigdig ngayon.

Ayon kay Pope Pius XI na nagmungkahi ng walampatid na pagtatanod sa Banal na Sakramento, kailang-kailangan na ang ‘pagbabalik-loob’ sa Kamahal-mahalang Puso dahil malubha at laganap na ang senyales ng kawalan ng pana­nampalataya, lantarang pagtakwil kay Kristo, pag­lapastangan sa karapatang pang-relihiyon at pantao, seryosong pagsasawalang-halaga sa kalinisan ng mga kabataan, kawalan ng paggalang sa disiplina at tradisyon ng Simbahan, masigasig na pag-aalipusta sa santidad ng kasal, lubos na pagiging makamundo ng marami, hayagang pagtatakwil sa Salita ng Diyos at panlalamig at lubusang pagsasaisang-tabi ng pagpupugay kay Hesus sa Banal na Sakramento (Merentissimus Redemptor).

Ngayong batid na natin ang pinagmulan at rason ng debosyon nawa mas maging makatotohanan at makabuluhan ang ating pag-aalay sa darating na dakilang kapistahan ngayong Biyernes. Hindi lamang dahil sa mga ‘pangako’ o ‘biyayang matatanggap’ kaya tayo nagpupugay sa Kamahal-mahalang Puso; importante sa lahat, dahil lubos na nagpapasalamat tayo sa dakilang pag-ibig ng Diyos na ipinamalas niya sa atin. Habang pinagninilayan natin ang walang maliw na pagmamahal na handog ng Puso ni Hesus at lahat ng sakripisyo at pa­sakit na dinanas niya para sa atin, magningas nawa ang ating mga puso sa pasasalamat, pagsuko at pagtatatalaga ng ating buong buhay sa Poon.