Una sa Balita

Humarang sa VCM, 2 kelot timbog

0 239

TIMBOG sa magkahiwalay na lugar ang dalawa sa pitong armadong lalaki na umano’y humarang at nanunog sa dalawang vote counting machine (VCM) Sa Brgy. Sta Isabel, Jones, sa lalawigan ng Isabela noong Martes at Miyerkoles.

Ayon sa Jones Police Station (JPS), unang naaresto dakong alas-10:00 noong Martes nang gabi sa isinagawang follow-up operasyon sa Brgy. Diarao, Jones ang suspek na nakilalang si Rodel Pascual, 34-anyos, magsasaka ng Sta. Isabel ng nasabing bayan.

Samantala, noong Miyerkoles bandang alas-9:32 nang umaga ay sumuko ang isa pang suspek na si Jayson Leanio, 27, magsasaka at tubo rin sa nasabing bayan.

Si Leanio ay dinala sa JPS nina Brgy. Sta. Isabel chairman Alberto Plaida Jr. at Barangay Kagawad Randy Resurreccion matapos lumapit at sumuko sa kanila.

Ayon kay JPS chief-of-police P/Cpt. Fernando Mallillin, iginiit ni Leanio na wala raw siyang kinalaman sa bintang sa kanyang pagsunog sa VCM.
Kakasuhan nila sina Pascual at Leanio ng robbery at serious illegal detention.

Patuloy naman ang hot pursuit operation ng JPS para maaresto ang lima pang suspek na kasabwat sa panununog ng VCM. (Allan Bergonia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy