Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Huling Report

0 50

Nakaabang na ang buong sambayanan para makinig at malaman ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, July 26 ,2021 sa Batasan Pambansa.

Inaasahang maririnig sa SONA ng Presidente ang mga nagawa na ng administrasyon na tatatak sa puso at isipan ng mga Pilipino at magsisilbing pamana sa susunod na mga henerasyon.

Bago naupo si Pangulong Duterte ay ipinangako nito sa sambayanan na isusulong niya ang pagbabago sa buhay ng mga Pilipino kasabay ang paglilinis sa mga balakid at tinik sa pag-unlad ng bansa.

Nasaksihan po ng sambayanan kung paano winalis ng Duterte administration ang operasyon ng illegal drug trade sa bansa na matagal ng naging salot sa lipunan at pagtugis at pagpapakulong sa mga nasa likod ng sindikato.

Hindi rin nakaligtas sa Pangulo ang mga corrupt na mga opisyal at tauhan ng gobyerno matapos alisin ang mga ito sa serbisyo at kasuhan dahil sa kanilang pagiging tiwali.

Dalawa lamang po yan sa mga pangakong tinupad ni Pangulong Duterte, at sa loob ng nakalipas na limang taon ay hindi na mabilang ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa aspeto ng serbisyo publiko, ekonomiya, imprastruktura, peace and security, panlabas na polisiya ng gobyerno at ang ginagawang pagtugon ng pamahalaan sa epekto ng dinaranas na COVID-19 pandemic.

Kung ililista lahat ang mga nagawa ng Duterte administration ay kulang ang isang pahina ng papel para dito.

Ilan sa mga iiwang pamana ni Pangulong Duterte sa mga Pilipino at magiging bahagi ng kasaysayan pagkatapos ng kanyang termino ay ang mga pagbabagong pinakikinabangan na ngayon ng milyon-milyong mga Pilipino.

Sa kanyang SONA ay ilalahad ni Pangulong Duterte ang kanyang iiwang legasiya gaya na lamang ng libreng edukasyon sa lahat ng state universities and colleges kung saan milyon-milyong mahihirap subalit matatalinong estudyante ang nakikinabang na sa batas na ito.

Nariyan din po ang Universal Health Care Program na pinakikinabangan din ng maraming mamamayan, libreng irigasyon para sa mga magsasaka, libreng internet access sa mga pampublikong lugar, libreng gamot at suportang pinansiyal para sa mga mahihirap, at pagtataas sa pensiyon ng mga miyembro ng Social Security Sytem o SSS.

Maging ang mga sundalo at pulis ay naramdaman po ang pagbabago matapos itaas ni Pangulong Duterte ang sahod ng mga ito .

Sa aspeto ng tax collection, tanging ang Presidente lamang ang nakasingil sa bilyon-bilyong utang ng mga malalaking negosyanteng umiiwas sa pagbabayad ng buwis, na hindi nagawa ng mga dating Presidente.

Tanging si Pangulong Duterte lang din po ang nakapagpasara sa Boracay Island para malinis ito at muling maibalik ang ganda para sa turismo; gayondin ang paglilinis sa Manila Bay na dati ay naging dagat ng basura at tupunan ng human waste ng mga malalaking establisimento sa Metro Manila.

Sa aspeto ng peace and order, naisabatas po ang Bangsamoro Organic Law na titiyak ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao region na isa sa mga adhikain ni Pangulong Duterte sa kanyang administrasyon.

Hindi rin po kinalimutan ni Pangulong Duterte ang matagal ng pinapangarap ng mga mahihirap na magsasaka na magkaroon ng sariling lupang sakahan dahil libo-libong ektarya na ng mga lupain ang ipinamahagi sa pamamagitan ng Department of Agrarian Reform.

Unti-Unti na rin pong nawawala ang mga armadong rebelde sa mga kanayunan matapos magbalik-loob sa gobyerno sa pamamagitan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC); at inaasahang malulutas na ang problema laban sa mga terorista dahil sa Anti-Terrorism law.

Pero higit na nangingibabaw ngayon sa lahat ng mga ipinatupad na pagbabago sa ilalim ng Duterte administration ay ang mga natapos na imprastruktura sa pamamagitan ng Build,Build,Build projects na itinuturing na “golden age of infrastructure”, at nagbibigay na ngayon ng malaking ginhawa sa biyahe ng mamamayan.

Hindi matawaran ang 5,555 bilang ng mga tulay na nagawa sa ilalim ng Duterte administration at ilang libong kilometro na mga bagong kalsadang pinakikinabangan na ngayon ng publiko.

Aasahan po natin na magiging “tatak Duterte” ang mga tulay gaya ng Cebu-Cordoba Bridge sa Cebu na tulad sa San Francisco sa Amerika, Bataan-Cavite Interlink, Central Luzon Link Expressway, Panay-Guimaras Negros Mega Project at marami pang malalaking proyekto na inaasahang magbibigay ng malaking ginhawa at tunay na pagbabago sa buhay ng bawat Pilipino.

Pagkatapos po ng huling SONA ng Pangulo ay aasahan pong gugugulin nito ang natitirang 11 buwan nito sa kanyang termino para ituloy ang mga ipinatutupad na bahagi ng pagbabago at pagtutok at pagtugon sa problema ng COVID-19 pandemic na patuloy pa ring umaatake sa bansa at sa buong mundo.

Ang puso po ng Pangulo ay para sa mga tao dahil ang hangad lamang nito ay mapaganda at mapahusay ang buhay ng bawat Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.