Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Huling hiling

0 68

Sino ang mag-aakalang aabot tayo sa ganito? Ang ilang araw lang dapat ay nauwi sa ilang buwan. Ang ilang buwan ay nauwi na sa mahigit isang taon nang hindi pakikipagkita sa mga kaibigan at kamag-anak na kung tutuusin ay hindi naman nakatira sa malayo. Hindi sa ibang bansa. Magkaiba lang ngrehiyon o lalawigan. Pero dahil sa pandemya, para bang napakalayo.

Kahit pa sa Maynila ako nagtuturo, kasama ako sa ilang masasabing pinagpala na hindi na kailangang mag-report mismo sa lugar kung saan nagtratrabaho. Sa Ingles, tinatawag itong work-from-home na naging popular na sa atin. Kapag kaswal na usapan o pakikipag-chat, ginagamit naman ang akronim na WFH. Mapalad ako dahil hindi ko kailangang makipagpatintero sa maraming tao at sa hindi nakikitang kalaban.

Isang taon na akong mahigit dito sa lalawigan sa Katimugang Luzon. Ngayon sanang buwan ay gusto kong bumalik sa Maynila para asikasuhin ang ilang detalye sa aking trabaho at kumustahin ang mga kasama ko sa dati kong tirahan sa Valenzuela. Kaso, dumami naman ang kaso ng nagpopositibo sa COVID-19 kaya ipinagpaliban ko muna ang pagpunta sa Kalakhang Maynila. Delikado.

Nakakalungkot ang hindi ko pagpunta para makapangumusta. Yumao ang aking Kuya Boy nang hindi ko man lang nakakausap nang personal. Habang isinusulat ko ito, binabaha ako ng alaala naming magkuya. Nagbabalik sa isip ko ang mga kuwentuhan namin, ang pangungumusta lagi niya sa trabaho ko, sa pagsusulat ko. Dahil sa kaniya kaya ako mahilig mamisikleta.

Lalo akong nalungkot nang maalalang ang huling pagkikita namin noong Disyembre 2019 ay napakabilis lamang. Katunayan, inaya pa niya akong uminom ng serbesa. Simpleng hiling na, ito ang lubos na nagpapalungkot sa akin, hindi ko napagbigyan. Kung alam ko lang.

Kaya nga ngayon, habang malungkot kong tinitipa ang mga salita sa espasyong ito, inisiip ko ang mga simpleng kahilingan sa akin ng ilang kaibigan at kakilala: bumisita sa ganitong lugar, kumustahin si ganitong tao, pasyalan ang mga lugar na kay dali lang dapat marating noong una. Simpleng hiling na kung pagbabatayan ang mga kasawiang dumarating sa marami, ay parang pakiusap na. Baka huli na.

SM food to go Banner Ad

Habang walang nababanaagang pagdating ng normalidad sa buhay, itinatala ko ang mga hiling na dapat tuparin o pagbigyan kapag nagkaroon na ng pagkakataon, ng masasabing ligtas na paglalakbay. Kung hindi na mangyayari, nakakapagsisi, nakakahinayang ang mga sandali tulad ng hiling ng kuya ko sa akin. Ano ba naman ang isang boteng serbesa noon? Kung alam ko lang.

Inaalala ko ang lahat ng mga pakiusap sa akin ng mga kaibigan na personal silang mapasyalan, makakuwentuhan, makabiruan, alalalahanin ang nakaraan. Hindi ito kayang idulot ng kumustahang online. Iba pa rin ang personal.

Kaya naman kahit hindi pa payag ang pagkakataon, pinagtitiyagaan ko ang online na medium. Tuparin ang kanilang simpleng pakiusap o hiling: oras, atensyon, pagpapahalaga na, huwag naman sana, ay baka huli na. Mag-iingat sana kayo lagi.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadalang mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundanninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.