Una sa Balita

Huling araw ng rehistro, nilangaw

By
0 6

Panaka-naka lamang ang dating ng mga nagparehistro sa huling araw ng voters registration ng Commission on Elections (Comelec) para sa mga boboto sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre.

Tinapos na kaninang alas-5:00 ng hapon (April 29) ang nationwide registration para sa mga first time voters, nagpa-activate ng rehistro at mga nagpalipat ng presinto.

Posibleng natabangan umano ang mga first time voters na magpatala dahil sa mungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang halalan sa Oktubre at magtalaga na lamang ng OIC officials sa mga barangay.

Kapansin-pansin din sa twitter post ni Comelec spokesperson James Jimenez na hindi kasing dami ng inasahan ang nagpatala sa last day ng registration.

Sa Comelec Manila, walang mahabang pila ng mga nagpatala, hindi katulad ng registration noong 2013 na nagkaroon ng stampede dahil sa kapal ng taong gustong magpatala para humabol noon sa barangay elections.

Ganito rin ang eksena sa Comelec Quezon City kung saan ilan sa mga distrito ay paisa-isa ang dating ng mga nagpatala.

Hindi tiyak kung nakamit ng Comelec ang 2.5 milyong bagong botante sa pagtatapos ng nationwide registration.