Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Huli sa pagnenok ng crayon

0 37

Ano kayang gustong sabihin ng panaginip ko na kumuha ako ng crayon sa book store tapos hindi ko binayaran? May panaginip pa naman ako na minsan malapit sa totoong nangyari. Pero ito sana hindi naman, kasi sa panaginip ko nasa book store daw ako sa mall tapos napunta ako sa mga art material pero ang kinuha ko ay crayon, kaya lang imbes na dumiretso ako sa cashier nagpunta muna ako sa aisle na walang masyadong tao tapos nilagay ko raw sa bag ko ‘yung crayon na kinuha ko, kaya lang sakto naman na nakatingin pala sa akin ang guwardya. Tapos nun dinala raw ako sa opisina at pinaghintay ng supervisor nila, noong tanungin ako bakit ako nagnakaw wala akong sagot tapos nagising na rin ako.

– Pao

Ang panaginip tungkol sa shop lifting o pagkuha ng bagay mula sa isang tindahan nang hindi binabayaran ay repleksyon din ng kagustuhan ng isang tao na mapunan ang pangangailangan niya.

Posibleng may parte ng buhay mo ngayon ang pakiramdam mo ay may kulang, maaaring ito ay materyal o pwede ring emosyonal at pisikal. Maaaring madalas kang tumitingin sa mga katangian ng ibang tao na wala sa iyo o kaya ay mayroon kang tinatagong inggit o insecurity sa iba.

Maaari rin itong konektado sa iyong trabaho lalo kung hindi nabibigyan ng pagkilala ang effort at nagawa mo at sa halip ay napunta sa iba ang reward na tingin mo ay para sa iyo.

Sa unang tingin maaaring kaunti lang ang halaga ng bagay na kinuha mo sa iyong panagip, pero sumisimbolo ito sa kung ano ang pinakagusto mong makuha sa iyong buhay. Dalawang side ang maaaring maging kahulugan ng crayon sa panaginip, maaaring representasyon ito ng issue mo tungol sa paghawak ng responsibilidad o obligasyon. Sa unang panig, maaaring sumimbolo ito sa pagiging carefree mo at open-minded, pero sa kabilang banda pwede rin itong sumalamin sa hindi mo pagseryoso sa mga bagay at ayaw ng commitment.

Kung palagi mong napapanaginipan ang pag-shop lift ay nahuhuli ka rin parati, nangangahulugan ito na gusto mong makuha ang atensyon ng iba. Maaaring hindi ang bagay na kinuha mo ang gusto mo, kundi ang mismong pagkahuli sa iyo para mapansin. Sinasabi rin nito na kailangan mong humingi ng tulong.

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspekto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.

Leave A Reply

Your email address will not be published.