Una sa Balita

Hugas-kamay sa TRAIN Law

By
0 1,029

Naghuhugas-kamay ang administrasyong Duterte sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil tila ayaw aminin na epekto na ito ng Tax Reform for Accele­ration and Inclusion (TRAIN) Law.

Sa tuwing pupunta ang mga tao sa mga palengke o grocery, ang sagot ng mga tindera kapag sila ay nagtatanong kung bakit tumaas ang presyo ng kanilang produkto, ang bagong tax plan na ito ni Duterte ang idinadahilan.

Tanging ang administrasyon na lang ang hindi naniniwala na ang paglobo ng inflation rate nitong Enero sa 4 percent mula sa 3 percent noong Disyembre ay dahil sa TRAIN Law na pilit isinubo sa sambayanang Filipino.

Pagkapasa na pagkapasa pa lamang ng TRAIN Law noong Disyembre, nagtaasan na ang presyo ng mga bilihin kahit Enero pa ito magsisimulang ipa­tupad. Ngunit hindi naawat ng gobyerno ang mga nagsamantalang mga negosyante lalo na ‘yung mga may hawak na ng produkto.

Simula noong Ene­ro 1, anim na beses na tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo kaya nagmahal ng P5.90 ang presyo ng diesel habang P5.12 na ang itinaas naman ng presyo ng gasolina.

Ang presyo ng bigas, tumaas ng P3 hanggang P5 kada kilo depende sa klase habang nagkakaubusan na ng NFA rice na ta­nging kayang bilhin ng mga mahihirap nating kababayan.

Kung tuluyang kapusin ang supply ng NFA rice, mapipilitang bumili ang mga tao ng mas mahal na bigas kaya huwag niyong sabihin na ang mga middle class lang naman ang bumibili ng maayos na bigas.

Tumaas na rin ang singil sa kuryente at napakiusapan lang ang Meralco na hatiin sa dalawa ang P1.10 kada kilowatt hour na makokonsumo.

Tumaas na rin ang ibang bilihin lalo na sa palengke, mapa-gulay man, isda o karne. Pawang ang bagong batas sa pagbubuwis ang idinadahilan ng mga nagtitinda. Malacañang na lang ang pilit tumatanggi dito.

Kung totoo nga na hindi pa epekto ng TRAIN Law ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin kasama ang mga pampublikong serbisyo, ano na lang ang mangyayari sa mga mahihirap nating kababayan kapag umepekto na ang bagong buwis na ito?

Imbes na maginhawang pagbabago tulad ng ipinangako noong kampanya, mas pahirap pang pagbabago ang ibinibigay sa atin ng administrasyong Duterte.