HS dumaan sa butas ng karayom

By

Mega outstanding favorite pero hindi naging madali ang panalo ni Hitting Spree kahapon sa naganap na 2017 PHILRACOM ‘6th Leg Imported/Local Challenge Race’ sa Metro Turf, Malvar, Batangas.

Sinunggaban ni imported horse mula USA, Hitting Spree, ang unahan paglabas ng aparato, agad naman siyang kinapitan ni Australian horse Bentley.

Habang naglulutsahan sina Hitting Spree at Bentley, nanonood sa tersero puwesto si local horse Messi na ginagabayan ni class A rider JA Guce.

Papasok ng far turn ay pukpukan pa rin sina Hitting Spree at second choice favorite Bentley sa unahan.

Sa huling 300 metro ng laban, kumalas si winning horse kay Bentley pero mula sa balya ay sumulpot ang dehadong si Messi at nakipagsabayan ito kay Hitting Spree.

Hindi naman nasiraan ng loob ang class A na hineteng si Kelvin Abobo at naitawid nito sa panalo sa 1,800 meter race si Hitting Spree.

“Hindi kami tinantanan, pagkatapos lumutsa ni Bentley ay si Messi naman ang rumemate,” saad ni Abobo. “Mabuti at sadyang napakahusay ni Hitting Spree,”

Nakopo ng may-ari kay Hitting Spree ang P300, 000 na premyo, P112, 500 ang napunta kay Messi habang P62, 500 ang hinamig ni Bentley sa event na inisponsoran ng PHILRACOM. 

SHARE