Una sa Balita

Hotel sa Pasay hinoldap, P4M ng OFW natangay

By
0 1,744

Pinasok ng apat na armadong kalalakihan ang isang hotel at tinangay ang mahigit sa P4 milyong halaga ng mga gamit, salapi at gadget sa isang overseas Filipino worker (OFW) at sa tatlong miyembro ng pamilya na pawang mga guests kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Kitang-kita pa sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera footage ang pagpasok ng apat na suspek sa lobby ng Mabuhay Manor ­Hotel sa F.B. Harrison Avenue, Pasay City dakong alas-3:19 ng madaling-araw.

Ayon kay Supt. Gene Licud, assistant chief of police for ope­rations ng Pasay City Police, base sa kuha ng CCTV, tinutukan ng baril ng mga suspek ang guwardiyang si Jhon-an Jabagat na nasa pintuan, hinila papasok sa loob ng hotel at kinuha ang baril nitong .38 kalibre.

Pagdaka’y tumuloy ang mga ito sa lobby sa may counter at nilimas ang P33,000 na kinita sa magdamag.

Maging ang mga guests ng hotel na nasa lobby ay tinutukan din ng baril at kinulimbat din ang mga gamit ng mga ito kabilang ang mga relo, alahas at pera.

Natangay din sa hotel guest na balikbayan na si Dominador Castro y Paluera, 57, may asawa, at tatlong miyembro ng kaniyang pamilya ang kanyang $15,800 cash, gadgets na nagkakahalaga ng 7,000USD, isang Rolex wristwatch na nagkakahalaga ng 30,000USD at mga alahas na may hala­gang 29,950USD.

Ayon kay Licud, pa-check out na si Castro kasama ang dalawang miyembro ng pamilya mula sa isang linggong pananatili sa ­hotel nang tutukan ng baril ng mga suspek.

Sa pahayag ni Rudy de Guzman, night auditor ng nasabing ­hotel, pa-check out na ang OFW at kasama nitong dalawang miyembro ng pamilya nang pumasok ang apat na kalalakihan na tinatayang nasa edad na 30-40, tatlo dito ay nakasuot ng maskara, naka-itim na T-shirt, maong pants at shorts.

Pagkakuha sa pakay ay mabilis nang nagsitakas ang mga ito sakay ng itim na Hyundai Starex na walang plaka patu­ngong ­Roxas Blvd.

Inaalam ngayon ng mga imbestigador kung inside job o may kasabwat sa loob ng hotel ang mga salarin. Inaalam din ng pulisya kung miyembro ng isang organisadong sindikato ang mga nanloob sa nasabing hotel. ()

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy