Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Hontiveros sa LTFRB: Jeep, bus fare hike huwag upuan

0 80

Hinikayat ni Senadora Risa Hontiveros ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na repasuhin agad ang petisyon na taasan ang minimum fare ng mga public utility jeepney para siguraduhing sapat ang kita ng mga tsuper sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina.

Ginawa ni Hontiveros ang panawagan matapos magpahayag ang mga tsuper na posibleng mawalan sila ng kita dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina gayundin ang libreng sakay mula sa gobyerno.

“Dapat timbangin mabuti ang petisyon sa taas-pasahe. Noong 2018 pa nuwebe pesos ang minimum fare. Doble na ang itinaas sa presyo ng krudo, marapat lang siguro na pakinggan ang hinaing ng ating mga tsuper,” ani Hontiveros.

“Bakit nga naman mamamasada pa kung mapupunta lang ang kikitain sa pagpapakarga ng krudo at wala nang maiuuwi sa pamilya? Huwag nating hayaan na mangyari ito sa kanila,” dagdag pa niya.

Ayon kay Hontiveros, alam na ng Department of Transportation na ang P6500 fuel subsidy para sa mga pampasaherong jeepney ay sapat lang sa loob ng isang buwan ngunit kalagitnaan ng Marso, pumayag pa rin aniya ang ahensya sa rekomendasyon ng economic managers na pigilan ang pagtaas ng pasahe kahit na 2018 pa ito umiiral at ang presyo ng diesel ay mas mababa ng kalahati kaysa sa ngayon. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.