Una sa Balita

Hong Kong umangkat ng domestic helper sa Cambodia

By
0 1,649

Napilitang kumuha ng domestic helper sa Cambodia­ ang Hong Kong dahil­ sa lumalaking demand ng kanilang mamamayan sa gitna ng kontrobersiya ng pang-aabuso ng mga amo sa kanilang katulong.

Ginawa ito ng Hong Kong government matapos ipagbawal ng Myanmar ang pagpapadala ng domestic helper nang makaranas ng pang-aabuso ang kanilang mga kababayan sa mga among intsik.

Sa ilalim ng pilot project, anim na ahensiya ang pinayagan noong Agosto para mangalap ng domestic workers sa Cambodia na magtatrabaho sa Hong Kong.

Labing-apat na Cambodian ang unang ipinadala at nakarating sa Hong Kong noong Miyerkoles matapos na dumaan sa pagsasanay ng salita sa wikang Cantonese at mga gawaing bahay. Sila ay makakatanggap ng US$550 na buwanang sahod sa loob ng dalawang taon na kontrata.

Pinayagan din silang gumamit ng smartphone upang makatawag sa ka­nilang pamilya kung kinakailangan.
Aabot sa 1,000 Cambodian ang kukunin ng Hong Kong sa taong 2018.

Higit sa 300,000 domestic helper ang nagtatrabaho sa Hong Kong, karamihan dito ay galing sa Pilipinas at Indonesia.