Una sa Balita

Hollywood dream mailap sa mga artistang Pinoy

Barbara Perez, Tetchie Agbayani, Lea Salonga karangalan ng Pilipinas

By
0 1,881

Hindi mawawala sa bawat aktor sa Pilipinas ang magkaroon ng tinatawag na Hollywood Dream. Marami na rin ang sumubok at ilan lang ang nagkakaroon ng pagkakataon na makatrabaho sa malalaking Hollywood studios.

‘Yung iba naman ay pinipilit na magkaroon ng career sa Hollywood, pero sa bandang huli ay sa Pilipinas pa rin ang bagsak.

Kaya suwertihan din lang talaga ang matupad ang isang Hollywood dream. Mahirap man itong abutin, pero kung may pagkakataon, kahit madaanan lang ng kamera, puwede mo na itong ipagmalaki.

Iba naman ang kaso ng mga Pinoy na nakabase na sa Amerika at mas malaki ang chance nila na magkaroon ng career doon, maging sa pelikula man o sa telebisyon.

Heto ang ilang local celebrities natin na nagkaroon ng pagkakataon na lumabas sa mga big Hollywood movies:

Barbara Perez: Ang Sampaguita star na si Barbara Perez ang masasabing kauna-unahang Pinay actress na naging leading lady sa isang Hollywood movie noong 1962 na pinamagatang No Man Is An Island. Produced ito ng Universal-International Pictures at ang bida rito ay si Jeffrey Hunter. Kinunan ang malaking bahagi ng pelikula dito sa Pilipinas at tinawag noon si Barbara bilang ‘Audrey Hepburn of the Philippines’.

May mga offer sa aktres na ibi-build up ito sa Hollywood, pero mas pinili raw ni Barbara na manatili sa Pilipinas at hindi nagtagal ay kinasal ito sa aktor na si Robert Arevalo. Ang iba pang Pinoy actors na nakasama sa No Man Is An Island ay sina Ronald Remy, Chichay, Rosa Mia, Lamberto Avellana, Vic Silayan at Eddie Ynfante.

Tetchie Agbayani: Bukod sa nakilala si Tetchie Agbayani dahil sa controversial na Playboy (German Edition) centerfold niya, sinubukan din nito ang magkaroon ng Hollywood career. Kabilang sa mga nagawa niyang mga Hollywood films ay The Emerald Forest with Powers Boothe (1985), The Money Pit with Tom Hanks (1986) at Gymkata with Kurt Thomas (1985).

May ginawa rin siyang Australian movie na Rikky and Pete with Stephen Kearney (1988) at may nilabasan din siya na isang episode sa British television series na Yellowthread Street. Bumalik sa Pilipinas si Tetchie at dito na siya namalagi bilang aktres sa TV at pelikula.

Lea Salonga: Sa tingin ko ang pinaka-successful na Pinoy na naka-penetrate ng Hollywood ay walang iba kundi si Lea Salonga. Pagkatapos ng kanyang success sa West End at Broadway bilang Kim sa musical na Miss Saigon, kinuha si Lea para maging singing voice ni Princess Jasmine sa Disney animation na Aladdin in 1992. Nakapag-perform pa si Lea kasama si Brad Kane sa 65th Academy Award nang awitin nila ang Oscar-winning song na ‘A Whole New World’. Sunod dito ay kinuha si Lea na lumabas sa isang TV-movie na produced ng Hallmark Hall of Fame na Redwood Curtain (1995) kunsaan nakasama ni Lea ang mga Hollywood actors na sina John Lithgow at Jeff Daniels.

In 1998, muling kinuha si Lea ng Disney para maging singing voice ni Fa Mulan sa animation na Mulan. In 2004, si Lea ulit ang naging singing voice sa Mulan II. Nagsunod-sunod din ang mga TV appearances ni Lea tulad sa Sesame Street, Olsen Twin’s Mother’s Day Special, ER, As The World Turns at Crazy Ex-Girlfriend.

Cesar Montano: Nabigyan naman ng pagkakataon si Cesar Montano na makagawa ng isang Hollywood movie noong 2005. Ito ay ang The Great Raid kunsaan nakasama niya sina James Franco, Benjamin Bratt at Joseph Fiennes. Ginampanan ni Cesar sa movie ay si Capt. Juan Pajota.

Kinunan ang ilang eksena ng pelikula dito sa Pilipinas at pinalabas ito sa US para sa 60th anniversary ng V-J Day or Victory over Japan Day. May tatlong Hollywood movies pa sanang gagawin si Cesar, pero walang nag-materialize sa mga offer na ito sa aktor.

Bembol Roco and Kuh Ledesma: Napasama sa cast ng Hollywood film na The Year Of Living Dangerously (1982) ang aktor na si Bembol Roco at ang singer na si Kuh Ledesma. Ginampanan ni Bembol ang role na Kumar at si Kuh naman ay si Tiger Lily. Pinagbidahan ng Australian actor na si Mel Gibson ang pelikula na kinunan ang ilang mga eksena sa Pilipinas, Indonesia at Australia. Kasama rin sa cast ang Hollywood actors na sina Sigourney Weaver at Linda Hunt.

Mahahaba at may mga speaking lines sina Bembol at Kuh sa naturang pelikula at pareho pa nilang nakaeksena si Mel Gibson. Isang critically-acclaimed film ang The Year of Living Dangerously na napanalunan ang Oscar best supporting actress for Linda Hunt na ang role ay isang lalake.

Tirso Cruz III, Gina Alajar and Eddie Garcia: Nakasama sa cast ng isang independent Hollywood film titled The Debut noong 2001 ang mga Pinoy actor na sina Tirso Cruz III, Gina Alajar at Eddie Garcia. Nakasama nila ang mga Fil-American actors na sina Dante Basco, Darion Basco, Dion Basco, Derek Basco, Bernadette Balagtas at Joy Bisco. Dinirek ito ng Fil-Am na si Gene Cajayon. Kinunan ang pelikula sa San Francisco Bay Area at New York City. Tungkol ito sa buhay ng mga Filipino-American.

Nakatanggap ng ilang parangal ang The Debut tulad ng Audience Award for Best Feature Film sa 2000 Hawaii International Film Festival; Best Feature Film honors by the 2000 San Diego Asian Film Festival at Best Narrative Feature award at the San Diego Asian Film Festival. Nanalo namang best supporting actor si Tirso Cruz III sa 2004 Golden Screen Awards.

Anne Curtis: Dahil sa pagiging sikat ni Anne Curtis sa social media, naisipan ng isang independent producer sa Amerika na kunin siyang bida para sa project na Blood Ransom. Ito nga ang unang pagkakataon ni Anne na gumawa ng pelikula sa Hollywood kunsaan nakasama niya ang aktor na si Alexander Dreymon.

Ginampanan ni Anne ang role na Crystal, isang babaeng na-in love sa isang lalake na ginawa siyang isang halimaw. Dahil hindi isang malaking film studio ang nag-produce ng pelikula, limited ang naging screening ng Blood Ransom. Pero may ilang Pinoy actors din na nakasama sa movie tulad ni Suzette Ranillo, Jon-Jon Briones, Dion Basco at Darion Basco.

Billy Crawford: Nagkaroon ng malaking pangalan sa international music scene si Billy Crawford. Sumikat siya sa bansang France dahil nag-number one doon ang single niyang Trackin noong 2001. Noong 2005, kinuha si Billy para sa role na Cheche, isang physically-handicapped boy na napo-possess ng demonyo sa pelikulang Dominion: Prequel To The Exorcist kunsaan nakasama siya ang mga Hollywood actors na sina Stellan Skarsgard at Gabriel Mann. Mula ito sa direksyon ni Paul Schrader.

Dahil sa maraming naging problema sa production, naapektuhan ang playdate ng pelikula hanggang sa mabigyan na lang ito ng limited release sa US at naging straight-to-video na lang siya.

Giselle Toengi: Maganda ang takbo ng career ni Giselle or G dito sa Pilipinas nang bigla niyang maisipan na subukan ang magkaroon ng career sa Hollywood. Ilang taon ding nag-struggle si G sa Amerika para matupad ang kanyang Hollywood Dream. Ang mga nakuha lang niyang trabaho ay ang isang guest role sa Saved By The Bell: The Musical at ang stage play na Days When Cocaine Was King in 2004. Nagkaroon naman siya ng TV appearance sa America’s Next Top Model Cycle 16.

Hindi nga naging successful ang career ni G sa Amerika, kaya naman paminsan-minsan ay bumabalik siya ng Pilipinas para gumawa ng teleserye.

Marami pang iba na nakalabas sa mga Hollywood film tulad nina Charice Pempengco, Lou Veloso, John Arcilla, Joel Torre, at marami pang iba.