Una sa Balita

Holiday pay sa August 21 ‘di doble — Palasyo

By
0 305

Nilinaw ng Malacañang na hindi doble ang tatanggaping holiday pay sa August 21 kahit pa nagsabay ang Ninoy Aquino Day at Eid’l Adha ng Islam.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kung ano ang tinatanggap na bayad sa regular holiday ay siyang tatanggapin ng mga manggagawang magtatrabaho sa August 21.

“‘Pag nagreport ‘yung traba­hante 200% plus 30% effectively 230% ‘pag pinagtrabaho mo. ‘Pag hindi nagtrabaho, 100%,” paliwanag naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Samantala, inilabas naman ng Malacañang ang listahan ng mga pista opisyal o holidays sa 2019.

Batay sa Proclamation number 555 na nilagdaan ni Pangu­long Rodrigo Duterte, kabilang sa mga regular holiday ang News Year’s day, Araw ng Kagitingan, Maundy Thursday, Good Friday, Labor Day, Independence Day, National Heroes Day, Bonifacio Day, Christmas Day at Rizal Day.

Ang mga special non-working holiday naman ay Chinese New Year, EDSA People Power Revolution Anniversary, Black Saturday, Ninoy Aquino Day, All Saints Day, at Feast of the Immaculate Conception of Mary.

Ang huling araw ng 2019 ay mayroong karagdagang dalawang araw na special non-working Holidays na November 2 at December 24.

Kasama sa Regular holidays ang Eidul Fit’r at Eidul Adha pero ang eksaktong petsa nito ay itatakda pa ng National Commission on Muslim Filipinos dahil ibabatay ito posisyon ng buwan o sa Islamic Astronomical Calculations.