Una sa Balita

Hokus-pokus sa kaso nina Espinosa, Lim, Co iimbestigahan ng NBI

By ,
0 2,857

Inatasan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga prosecutor ng gobyerno na humawak at nagbasura sa kasong may kinalaman sa iligal na droga na isinampa laban kina Cebu businessman Peter Lim, self-confessed drug lord Kerwin Espinosa, convicted drug lord Peter Co, at ilang iba pa sangkot sa kaso.

Ito’y matapos magbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipapalit niya sa kulungan ang Kalihim kapag nakalaya ang mga inakusahang sangkot sa illegal drug trade.

Nag-isyu si Aguirre ng Department Order No. 152 para mag-im­bestiga ang NBI at magsagawa ng case build-up upang alamin kung may ginawang pagkakasala o nilabag sa batas ang National Prosecution Service (NPS) sa pagbasura sa kasong isinampa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group-Major Crimes Investigation Unit (PNP-CIDG-MCIU).

Una rito ay nag-isyu ng resolusyon ang mga DOJ prosecutor na binasura ang reklamo ng PNP-CIDG-MCIU laban kina Espinosa, Lim, Co at iba pang kapwa akusado sa paglabag sa Comprehensive Dange­rous Drugs Act of 2002.

Ang naturang re­solusyon ay nilagdaan nina Assistant State Prosecutors Michael John Humarang at Aristotle Reyes na inaprubahan naman nina Ac­ting Prosecutor General Jorge Catalan Jr. at Senior Assistant State Pro­secutor Rassendell Rex Gingoyon.

Kaugnay nito, sinabi ni Aguirre na bumuo na rin ang kanyang tanggapan ng bagong government prosecutors panel para rebyuhin ang re­solusyon ng NPS.

Kasama sa panel sina Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera, Assistant State Prosecutor Ana Noreen Devanadera at Prosecution Attorney Herbert Calvin Abugan.

Ayon sa Kalihim, ang nasabing lupon ang magreresolba sa motion for reconsideration na inihain ng PNP-CIDG-MCIU na kumukuwestiyon sa pagkakabasura ng isinampa nilang kaso.