Una sa Balita

Hirit sa Kongreso: Veto ng Pangulo sa Coco Levy bill baligtarin – Tañada

By
0 342

NANAWAGAN ang Otso Diretso candidate na si Erin Tañada sa Kongreso na baligtarin ang ‘di pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang batas na naglalayong ipamigay sa mga magsasaka ang mga perang nakalap sa ilalim ng Coco Levy fund noong diktaduryang Marcos.

Ani Tañada, na dating kasapi ng Kamara, pagkakataon na ang pagsasabatas ng Coco Levy bill upang matulungan ang mga magsasaka na sad­yang isa sa pinakahirap sa mga sektor ng lipunan.

Tinuligsa rin niya si Pangulong Duterte, na nagpasyang huwag pirmahan ang panukala, matapos ang pabalik-balik na pagrebisa nito. Muli niya itong ibinalik sa Kongreso dahil hindi umano sang-ayon na mas maraming kasapi ng sektor ang bubuo ng Board na magmamatyag sa paggamit ng nasabing pondo.

Para kay Tañada, nakakadismaya ang galaw na ito, na pag-atras sa pangakong binitawan ng Pangulo noong siya ay tumatakbo pa lamang noong 2016.

“Matagal nang hirap ang ating mga magniniyog pero para silang inilulubog lalo sa kahirapan dahil walang tulong na ibinibigay ang ating pamahalaan. Wala na halos silang kinikita simula pa noong nakaraang taon. Lalo silang nawalan ng pag-asa nang ibinasura ni Pangulong Duterte ang pag-asa nilang mapakinaba­ngan ang coco levy trust fund,” ayon kay Tañada.

“By refusing to sign the bill, sinayang ng Presidente ang isang batas na apat na dekadang ipinaglaban ng ating mga magniniyog. Unless Congress overrides the veto when it convenes this May, back to square one na naman tayo. This is a major disappointment to our coconut farmers, especially since ipina­ngako ni Duterte ito noong 2016,” dagdag pa niya.

Nanawagan rin si Tañada sa Department of Agriculture na siguruhin ang ayuda para sa mga magniniyog at iba pang magsasaka, sa gitna ng mga hinaharap na suliranin, gaya ng papalapit na El Niño at ang rice tariffication.

Kasama ni Tañada sa Otso Diretso sina Sen. Bam Aquino, Cong. Gary Alejano, dating senador Mar Roxas, at ang mga baguhang sasabak sa pulitika na sina dating solicitor general Pilo Hilbay, mga abogadong sina Chel Diokno at Romy Macalintal, at dating ARMM assemblywoman Samira Gutoc.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy