Una sa Balita

Hirit ni Chavit, PT&T vs Mislatel-Dennis Uy 3rd telco sinupalpal ng NTC

By
0 328

Ibinasura ng selection committee ng National Telecommunications Commission ang motion for reconsideration na inihain ng Sear Telecommunications Inc., ang consortium na kinabibilangan ng kompanya ni dating Ilocos Sur governor Luis Chavit Singson, at ng Philippine Telegraph and Telephone Corp.

Sa pitong pahinang desisyong na may petsang November 12, tinanggihan ng selection committee ng NTC ang motion for reconsideration ng Sear at ipinagtibay ang desisyon nitong kulang o ‘incomplete’ ang mga dokumentong isinumite nito at hindi nagbigay ng participation security na nagkakahalagang P700 milyon.

Dakong alas-nuwebe nang gabi nitong Lunes naman natanggap ng PT&T ang desisyon ng NTC. Sinisisi ng PT&T ang hindi pagbigay mismo ng NTC ng kanilang certification na siyang tanging kakulangan sa kanilang submission kaya sinabi ng selection committee na kulang ang kanilang isinumite kaya sila nadiskuwalipika.

Sinabi ng abogado ng Sear na si Atty. Raoul Creencia na minadali ng selection committee ang resolution nito at hindi man lang binigyang pansin ang reklamo nila tungkol sa panlilinlang ng Mislatel Consortium na isang paglabag ng patakaran nito sa pagkuha ng ikatlong pinakamalaking telecommunication company sa bansa.

Ang Mislatel ay nakipag-alyansa sa China Telecom at sa Udenna Corp. at Chelsea Logistics ni Dennis Uy para makasali sa bidding kahit na ito ay may exclusive arrangement sa isa sa mga kompanyang kasama sa Sear consortium.

Dahil sa kagustuhang palampasin ang pangloloko ng Mislatel, sinadya ng ­selection committee na gawing makitid at mababaw ang pagdesisyon nito sa kung ano ang ‘corrupt, fraudulent, collusive and coercive practices’ imbis na lalong paghigpitan ang pagtingin nito sa panloloko.

“Instead of purposively controlling the fate of its selection process, the NTC-SC opted to passively wait for the courts to rule on a clear violation of their own formulated rules,” sabi ni Creencia.

Dagdag pa ng abogado, hindi dapat basta basta na lang madaliin ang proseso ng pagpili ng 3rd major telco player para hindi na pagtuonan ng pansin ang mga malilinaw na senyales na magkakaroon ito ng problemang ligal sa darating na panahon.

Ang selection committee ay binubuo nina Atty. Ella Blanca Lopez na umuupong chairperson, Engr. Teodoro Buenavista Jr. na umuupong vice chairperson, at ang iba pang mga miyembro na sina Atty. Andres Castelar Jr., Engr. Samuel Sabile, at Engr. Alvin Bernard Blanco.

Sinabi naman ng PT&T na ­pinag-aaralan pa ng kanilang management at ng kanilang mga abugado ang desisyon ng selection committee para malatag nila ang kanilang mga susunod na hakbang.

Pinaalala ng selection committee na may karapatang umapila ang mga kompanya sa NTC en banc. Ayon sa Sear, kakailanganin nilang muling gumastos ng P10 milyon sa oras na desisyonan nitong umapila sa NTC en banc.