Una sa Balita

HIRIT NA!: Train to Busan

By
0 95

Hindi ko matanggap na hanggang ngayon ay tila walang naki­kitang masama o ginawang masama si dating DOTC Sec. Emilio Abaya­ kaugnay ng mga ­pinasok ­niyang kontrata para maging maayos ang operasyon ng MRT.

Nagawa pa niyang sabihin na ‘fake news’ na ang binili nilang bagon ay walang makina.

Saan kinukuha ni Abaya ang ­tapang ng sikmura para tayong lahat­ ay pasakayin sa balat ng mani at sa kabila ng araw-araw na paghihirap ng maraming pasahero ng MRT ay tila manhid siya rito.

Mismong si Assec. Cesar Chavez na ng DOTr ang nagpahayag na sa 48 bagong light rail vehicles (LRVs) na binili­ ng nagdaang administrasyon ang walang silbi sa susunod na ­tatlong taon dahil sa kawalan ng signaling system device.

Ang 48 LRVs ay binili sa halagang P3.8 billion nina Abaya­ mula sa Dalian Locomotive Corp. of China as part of the MRT-3 capacity expansion project.

Maging ang service provider na kinuha ni Abaya, Busan Universal Rail Inc. (BURI), ay nabigong ayusin ang sistema ng MRT, ayon kay Chavez.

Nauna rito, bago pa man lumala ang problema ng MRT may ilang mungkahing ibinigay si G. Robert Sobrepena, chairman and president ng MRT Holdings. Nilinaw niya na hindi sila ang may-ari ng MRT kundi ang kumpanya na MRT Corporation. Aniya, “ang MRT Corporation ay hawak ngayon ng gobyerno dahil ang pinaka-malaking shareholder ay ang DBP at Land Bank”.

Hindi rin siya ang chairman ng MRT Corp. kundi ang ­representative ng Development Bank of the Philippines (DBP).

Nagtataka si Sobrepena kung bakit ibinasura ni dating­ Pa­ngulong Noynoy Aquino ang kanilang mga mungkahi,­ ­“Masamang-masama ang loob namin at nanghihina­yang kami. Parang lahat ng pinaghirapan namin para magkaroon ng isang world-class transportation system ang Pilipinas ay nasira na.”

Sa kanyang obserbasyon ay masama ang maintenance nito. “MRT built to last over 50 years if properly maintained. Walang ganitong sira nu’ng tunay na eksperto ang humahawak (Sumitomo),” paliwanag ni Sobrepena.

Sa kasalukuyan, parating nagtuturuan ang DOTr at ang kasalukuyang maintenance provider, ang Autre Potre ­Technique (APT) Global na may P57 million na budget bawat buwan.

“Ang Sumitomo dati inaako ang responsibilidad ­dahil mayroon sa kontrata nila na ‘single point of responsibility’. Ngayon, parating nagtuturuan,” dagdag ni Sobrepena. ­“Hindi bumibili ng mga spare parts na dapat binibili. Ang Sumitomo dati, 60% ng budget nila pinapambili ng spare parts. Ngayon, nakakapagtaka dahil may budget pero walang spare parts,” aniya.

Kabilang sa mga  mungkahi na layong makatulong sa palpak na sistema ngayon ng MRT;

– Rehabilitation: Lahat ng sira, aayusin. Kapag magawa ito, makakahinga na ang mga pasahero at hindi na manga­nganib ang buhay nila;

– Upgrade: Imbis na three-car train, gagawing four-car train. Ito ay para umiksi ang pila;

– Maintenance with single point of responsibi­lity. Ibabalik ang Sumitomo para maayos ang maintenance pero may nakasulat sa kontrata nila na ‘single point of responsibility’ para walang turuan;

– Walang gastos. Ang pinakamaganda sa lahat, walang gastos ang gobyerno. Private sector ang gagastos sa ilalim ng Public Private Partnership (PPP);

– Dagdag kita. Kikita pa ang gobyerno: sa proposal, 5% ng fare box mapupunta sa DOTC;

Pero ayon kay Abaya ‘di totoong interesadong bumalik ang Sumitomo dahil marami pa itong pinagkakaabalahan.

Ngunit kailangan pa ring sagutin ni Abaya kung bakit pinili niya ang Glo­bal APT bilang provider sa kabila na ang may-ari nito na si MARLO DELA CRUZ ay malapit na kaibigan niya at ni dating DOTC Sec. Mar Roxas at kilalang financier noon ng Liberal Party (LP).

Sinabi na noon pa ni Sen. Grace Poe na kasuhan ang mga opisyal ng DOTC na pumili sa Global Apt, “dahil halatang wala silang alam”.

Kailangan talagang may managot ‘di man sa isyu ng katiwalian subalit sa usapin ng matinding kapabayaan.

Lord, Kayo na po ang bahala!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy