Una sa Balita

Hirit Na: Si Duterte at ang media

By
0 11

Sang-ayon ako at sinusuportahan ang kampanya ni President-elect Rody Duterte na linisin ang hanay ng media tungkol sa envelopmental journalism.

Matindi lang ang pagtutol ko sa inihayag niya na may mga napaslang na miyembro ng media, hindi man lahat, ay dahil sa ang mga ito ay tiwali o korap.

Base sa kanyang sariling deskripsyon ng isang ‘corrupt na media’ ay ‘yung mayroon nang tinatanggap na pera mula sa isang indibidwal, pulitiko man o negosyante, ngunit ang ibabalita pa rin ay negatibo.

“Most of those killed, to be frank, have done something. You won’t be killed if you don’t do anything wrong,” ayon kay Duterte.

Ang kanyang argumento ay pag-amin na may mga bayaran na mamamahayag sa Davao City at kaya nananatiling buhay ay dahil ang ibinabalita nila ay pabor o papuri sa pamamahala ni Duterte?

Hindi ko masisisi si Duterte dahil ang sinasabing uri ng media na nakilala niya sa matagal na panahon bilang punong lingkod ay mga lokal na mamamahayag. Iyan din ang paliwanag ni Atty. Salvador Panelo, ang kanyang tagapagsalita, na ang tinutukoy lamang ni Duterte ay mga mamamahayag na nakabase sa Davao City at hindi sa buong bansa.

Huwag namang ikasama ng loob ito ng mga mamamahayag sa Davao City pero ang obserbasyong ito ay nanggaling mismo kay Duterte. Kung ito ay walang katotohanan o malayo sa realidad, dapat ay magpalabas ng pahayag ang sinumang indibidwal o samahan ng media na nakabase sa Davao City na kumokondena sa sinabing ito ni Duterte. Hangga’t walang reaksyon, mababahiran ang kanilang kredibilidad.

Ngayong nabuksan ang usapin ng media corruption at hindi na lokal na posisyon ang hawak ni Duterte, maaaring magtulungan para malinis ang kani-kanilang hanay.

Mabuti na ring nilinaw mismo ni Duterte na hindi ang GMA Network. Inc. ang kinakakakitaan ng pagiging ‘biased’ sa pag-uulat sa kanya.

Binabalita lang ng Kapuso network ang lahat ng sinasabi ni Duterte, walang dagdag, walang bawas. Mahirap ang sina­sabing ‘twist’ o pagbaluktot ng impormasyon kasi ang pinanggalingan ay live presscon ni Duterte.

Mahigpit ang mga panuntunan ng pamunuan ng GMA Network, Inc. sa bawat reporter at kanyang istorya. Ito ay nakapaloob sa aming Code of Ethical Standards at dumadaan sa matinding pagsusuri ng news department katuwang ang a­ming legal department.

Bugbog na bugbog sa mga Dutertards, ang tawag sa supporter ni Duterte sa social media, ang terminong ‘biased’ na tila hindi nila maunawaan ang tunay nitong pakahulugan.

Kung ang ire-report lamang ng isang media network ay ‘yung nais lang mapanood at mapakinggan ng mga supporter ni Duterte, nawawala ang isa sa pinakamahalaga naming tungkulin – ang check and balance.

Kapag ito ay nawala, kami ay isa na lamang ‘propagandista’.

Ang isa pang dapat na silipin ni Pangulong Duterte ay ang papel na ginagampanan ng ilang tiwaling PR MEN. May ilang political PR firm ang isinasama ang pangalan ng ilang mamamahayag sa listahan ng ‘payola’ o ‘tumatanggap ng pera’ na lingid sa kanilang kaalaman.

Kaya dapat mag-ingat si Duterte, ‘wag magalit at magtaka na ang lahat ng babanat o pupuna sa kanya ay bayad niya o may tinatanggap na pabor sa kanya. Dapat ding mahubaran ng maskara ang PR MEN na ito!!!

Ang pinakahuling ‘di pagkakaunawaan ni Duterte at ng media, lokal, nasyonal at dayuhan, ay dapat patungo sa positibong pagbabago. Kailangan nila ang isa’t isa para sa interes ng maraming mamamayang Pilipino.

Hindi ko nakikita na kayang pumalit ng ‘social media’ para maging pangunahing mapagkukuhanan ng impormasyon ng publiko. Dahil ngayon pa lang ay bukas na bukas na ito sa abuso.

Magtulungan hindi magbangayan!

Lord, Kayo na po ang bahala.

***

Email: iganclavio@yahoo.com