Una sa Balita

HIRIT NA: Pangarap kong ginto

By
0 4

Alam ninyo ba mga ‘igan, na li­ngid sa kaalaman ng lahat, na mayroon tayong kauna-unahang Olympic Gold Medalist?

Ito ay sa kategorya ng platform and sprinboard diving events. Ang kanyang ama ay Filipino at ang kanyang ina ay taga-England. Siya ay ipinanganak sa San Francisco, Ca­lifornia noong Disyembre 31, 1924.

Siya ay nasa edad na 24-taong gulang nang magwagi ng dalawan­g medalyang ginto sa 1948 London Olympic Games. Ang kanyang pangalan ay si VICTORIA MANALO DRAVES at may taas na 5’1”.

Si Draves ay namatay noong nakaraang taon sa edad na 85 dahil sa pancreatic cancer.

Pero technically, hindi natin puwedeng akuin ang kanyang karangalan, kahit may dugo pang Pilipino dahil ang kinatawan niya ay team USA. Pero ang kanyang kuwento ay sapat na para magbigay ng inspirasyon sa ating mga susunod na heneras­yon na mga atleta.

Sa kasaysayan, tatlong kababayan natin ang nakapag-uwi ng silver medal. Sila ay sina:

1964 — Tokyo Summer Olympics, Anthony Villanueva (boxin­g), silver medalist;

1996 — Atlanta Summer Olympics, Onyok Velasco (boxin­g), silver medalist;

2016 — Rio Olympics, Hidilyn Diaz (weighlifting), silver medalist;

Karamihan ay medalyang tanso na sa larangan ng swimming at boxing.

Pero lubha bang mailap sa ating bansa na masungkit ang kauna-unahang gintong medalya?

Lagi na lang natin na naririnig sa mga sports official ang anila’y kawalan ng sapat na pondo para suportahan ang iba’t ibang sports development program ng bansa. Ngunit, ang tanong dapat marahil ay, epektibo ba ang mga sports program para sa mga atletang Pilipino.

Sa kasalukuyan, sabog ang nakikita kong programa para sa pagsasanay ng ating mga atleta. Walang malinaw na direksyon. Sa totoo lang, tsambahan lang kung minsan kung bakit nasusungkit pa natin ang medalyang pilak.

Umaasa ang ating Philippine team sa magagaling atleta na umuusbong sa ilang kumpetisyon katulad ng Palarong Pambansa. O kaya naman ay sa mga atletang resulta ng paligsahan sa mga sangay ng Armed Forces of the Philippines (AFP)-Air Force man o Army o sa Navy.

At ang pinakamadali, ay ang paghahanap o pag-scout ng mga natatanging atleta na may dugong pilipino sa buong mundo at hihimukin na lumahok sa international competition sa ilalim ng ating watawat.

Nakakalungkot na ‘di lang sabog kundi kulang pa sa suporta ang ating mga atletang pinoy, sa isyu man ng training o higit pa sa kawalan ng tamang mga pasilidad.

Kundi dahil sa tulong at suporta na nanggsing sa mga taga pribadong sektor, walang lugar kung saan malinaw na magsasanay ang mga atleta natin.

Paano tayo makikipagsabayan sa mga atleta ng ibang mayayamang bansa, sanggol pa lang ay pumapailalim na sa paghihigpit na pagsasanay? Kumpara sa atin na pika-pika nga ang uri ng training.

Kung nais natin na makakuha ng gintong medalya, ang panahon ay ngayon na! Focus! Focus! Focus!

Isipin muli kung anu-anong uri ng sports ang uunanin natin ang pagsasanay. Mura na sa gastusin at walang pangangailangan ng tangkad o lakas. Malaking puhunan ng atletang pilipino ang talino ng pag-iisip at pagdedesisyon.

Hindi ako naniniwala na kulang ang badyet sa team Philippines. Posibleng napupunta ang pondo sa korapsyon at ito ay dapat nating bantayan.

Kundi tayo kikilos ngayon, isulat na lang natin sa hangin ang mga pangarap nating makamit ang mailap na gintong medalya.

Lord Kayo na po ang bahala.

***

iganclavio@yahoo.com