Una sa Balita

Hirit na: Kapayapaan ay sumainyo

By
0 9

Mga ‘igan, narinig na ng sambayanang Filipino ang legislative program ni Tatay Digong na inilatag niya sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Sa totoo lang, marami sa binitawang salita ni Tatay Digong ay malapit sa sikmura.

Pinakanaantig ako ay ang dekla­­rasyon ng unilateral ceasefire. Sabihin na ninyong nag-over acting si Sec. Martin Andanar nang sabihin niyang ‘nakakaiyak’ ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, pero sa mga nasa liblib na bahagi ng bansa, ito ay isang emosyonal na isyu.

Marami sa mga rebelde ay tumanda na sa pakikibaka. Ang ilan sa kanila ay produkto na rin ng pagmamalabis ng sundalo noon pang panahon ng Batas Militar.

Ang iba naman ay mga naulila ng mga namatay sa gitna ng pakikipaglaban. Samantala, may iba naman na sumali matapos na yakapin ang dok­trina ng maka-kaliwa.

Imposible na walang umiyak sa kanila. Maaaring luha ng kaligayahan dahil sa pag-asang magwawakas na ang pagpatay ng Pilipino sa kapwa Pilipino.

Gaano man kailap ang paghahangad ng kapayapaan, ang mahalaga ay laging nabubuksan ang pagkakataon na ito ay mapag-usapan.

Mas mahalaga na masimulan na ang putakan kaysa putukan. Maraming buhay ang maililigtas at maraming ari-arian ang maisasalba.

‘Di rin ako magtataka kung mayroon din sa hanay ng mga sundalo ang naiyak sa naturang pahayag ni Tatay ­Digong.

Umaasa silang makakauwi na sa kani-kanilang pamilya. Pansamantalang matatapos, na ang kanilang inaaruga ay ang kanilang mga armas sa halip na asawa’t anak.

At higit na posibleng naluha ang daang libong mga ­pamilya at katutubo na lagi na lamang naiipit sa engkuwentro sa pagitan ng sundalo at mga rebelde.

Sa isang iglap, wala na silang tirahan at nawalan din ng mga mahal sa buhay bunga ng ideolo­hiya na hindi nila maintindihan at maunawaan.

Ngayon ay hinihintay na lamang ang tugon mula sa kabilang panig. Hindi biro ang ginawa ni Tatay Digong na ­ialay ang kanyang puso para sa minimithing kapayapaan. ­

Bilang commander-in-chief, mabigat sa kanyang damdamin na walang gawin para ‘di pagkasunduin ang dalawang panig at hindi siya titigil para ito ay makamtan.

“Let me make this appeal to you, if we cannot as yet love one another, then in God’s name, let us not hate each other too much… I say the same to you today. We will strive to have a permanent and lasting peace before my term ends. That is my goal, that is my dream,” sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kung hindi naantig ang inyong damdamin sa mga pana­nalitang ito, wala kayong karapatan na mabuhay nang mapa­yapa at tahimik.

Lord, Kayo na po ang bahala.

***

Email: iganclavio@yahoo.com