Una sa Balita

Hirit na: CON-CON-ASS

By
0 242

Mainit ngayon ang usapin na may kaugnayan sa pagpapalit ng porma ng gobyerno, mula sa presidensyal tungo sa pederalismo.

Nahahati ang mga nagsusulong ng Charter Change sa Constitutional Assembly (CON-ASS) o Constitutional Convention (CON-CON) matapos na paboran ni Pangulong Digong ang una.

Sa ilalim ng CON-ASS, ang mga miyembro ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang tatayong isang lupon na babalangkas sa pag-amyenda ng Konstitusyon.

Pero sa resolusyon ni Rep. Albee Benitez ng 3rd District Negros Occidental, iminumungkahi ang pagtatatag ng isang Council of Elders na katuwang na bubuo ng mga panukalang hakbangin para masusugan ang Kontitusyon at magbukas ito sa sistemang pederalismo.

Ang katuwiran ng pabor sa CON-ASS, mas mabilis ito at hindi magastos.

Pero, nahaharap sila sa isang malaking problema – mababa ang kredibilidad sa mata ng publiko ng mga miyembro ng Kamara. May pananaw ang taumbayan na hindi ang kapakanan ng bansa ang mangingibabaw kundi ang interes ng bawat kongresista. Marami sa mga miyembro ng Kongreso ang may kanya-kanyang negosyo at produkto ng political dynasty.

Pangalawa, paano ang mga maiiwan nilang trabaho bilang mambabatas?

Samantala, hindi naman bababa sa 5 Bilyong Piso ang magiging gastusin sa paghalal ng mga delegado para sa CON-CON. Ayon sa Department of Budget and Management (DBM) bukod pa ang pigura sa ilalaan na sahod sa mga mananalong delegado.

Hindi rin nakakasiguro na ang mga mahahalal na delegado ay masasabing “the best and the brightest” dahil tulad ng mga nagdaang eleksyon sa Pilipinas, patuloy na nagwawagi kung sino ang may pera at impluwensiya at kung sino ang miyembro ng pamilya at mga mahal sa buhay ng mga naghaharing uri?

Ngunit habang nagtatalo kung CON-ASS o CON-CON ba ang gagamitin na pamamaraan ng pagsusog sa Saligang Batas, may isa pang problema – aling formula ba ng pederalismo ang isusulong.

Sa kasalukuyan, iba-iba ang porma ng pederalismo sa Amerika, Europa, Africa at maging sa ilang bansa sa Asya. Alin ba sa mga umiiral na sistema ng pederalismo ang babagay sa maliit na bansang tulad ng Pilipinas? Kailangan ba nating baguhin talaga ang sistema ng pamamahala?

Ayon sa artikulo ng Center for People Empowerment in Go­vernance (CENPEG), ang panukalang pederalismong isinusulong ni Sen. Aquilino Pimentel ay umaalingawngaw sa panukala ni Jose V. Abueva, at nagpapalakas sa kapangyarihan ng oligarkiya sa Pilipinas imbes na bigyan ng kapangyarihan ang mga dukha at mahina.

Inilahad ni Abueva ang mga bentaha ng pederalismo at kabilang dito ang sumusunod: Una, makapagtatatag umano ito ng makatarungan at pangmatagalang balangkas para sa kapa­yapaan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng iba’t ibang pangkat etniko, relihiyoso at kultura, lalo sa panig ng mga Bangsamoro at lumad. Ang ganitong mungkahi ay ipinalalagay na ang buong bansa ay watak-watak, at nasa yugto ng digmaan, at wala nang magagawa pa kundi pagbigyan ang paghahati-hati ng teritoryo. Ang pederalismo ay lalong makapagpapalakas para sa mga armadong pangkat na magsulong ng rebelyon at tuluyang kumawala sa saklaw ng Pilipinas. Ipinupunla ng pederalismo ang pagkakawatak ng mga mamamayan, dahil ang sinasabing labing-isang nasyon ay nagpapahalaga sa rehiyonalismo imbes na sa kabansaan ng buong Pilipino.

Idinagdag pa na pinakamahalagang aspektong binanggit ni Abueva na makapagpapalalim umano ng demokrasya ang pederalismo habang lumalaon.

Sa ganitong palagay, animo’y mahina ang “demokrasya” sa buong Pilipinas. Kung mahina ang demokrasya sa bansa, ang dapat pinagtutuunan ng mga politiko ay kung paano “mapapalawak at mapatitibay” ang demokrasya at mauuwi ito sa dating implementasyon ng mga programa at patakaran sa mga lalawigan. Kung ang parehong mga politiko at kaanak nila ang maghahari sa iba’t ibang “nasyon” o rehiyon, ang pangarap na demokrasya ay para sa lalong ikalalakas ng oligarkiya dahil nasa sirkulo nito ang kayamanan, kapangyarihan, at koneksiyon upang manatili sa poder.

Hindi malulutas ang problema ng bansa sa simpleng pagbabago ng Konstitusyon. Kung babaguhin man ang Konstitusyon, kinakailangang pagbotohan muna ito ng mga mamamayang Pilipino at isailalim sa Kumbensiyong Pansaligang Batas, at hindi basta pakikialaman lamang ng mga mapagdududahang mambabatas ng Kongreso. Maraming matitinong batas ang napagtibay sa Kongreso ngunit hindi ipinatutupad dahil na rin mismo sa maruming pamumulitika. At yamang hindi ito ipinatutupad, ang dapat palitan ay ang mga namumuno sa pamahalaan at hindi ang mga batas. Marahil, napapanahon nang makialam at gumising ang taumbayan at maghimagsik sa mapayapang pamamaraan. Kailangang maging maláy ang bawat Pilipino sa ipinapanukalang “federalismo” at “sistemang federal na pamahalaan” dahil ang ganitong pakana ay yumayanig sa pundasyon ng Pilipinas at nagpapa-alab para magkawatak-watak ang mga Pilipino ngayon at sa hinaharap.

Lord Kayo na po ang bahala.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More