Una sa Balita

Hirit na: Abusadong media?

By
0 15

Tila may hakbangin ang ilan na nakapaligid sa kampo ng uupong Pangulong Rody Duterte na i-potray ang ‘mainstream media’ na biased at corrupt.

Aktibo ang kanyang ‘dutertards’, tawag sa mga netizen na supporter ni Duterte, sa pagbantay, pagsagot, pag-bully at panlalait sa mga news on line ng iba’t ibang malalaking media outlet.

Partikular na nakararanas ng ‘cyber bullying’ ay ang GMA7, ABS-CBN, TV 5, RAPPLER, Philippine Daily Inquirer at iba pa.

Abante Hiring – IT dep

Lahat ng naka-post na istorya – mula politika, showbiz at maging teaser o trailer ng iba’t ibang prog­rama ay ‘di na nakakaligtas sa mapanirang mga reaksyon mula sa dutertards. “Bayad! Biased!” Ang dalawang salitang alam lang nilang gamitin laban sa mainstream media na naging kritikal sa kilos at pahayag ni Duterte.

Dumating pa sa punto na sila na lang ang papalit na ‘media’ ni Duterte at nanawagan ng boykot ng mga malalaki at pangunahing media entity.

Nagsimula ito sa resulta na magkasunod na press conference ni Duterte na direktang kinuwestyon ang ilang personal na tanong ng miyembro ng media sa kanya.

Tungkol sa kalusugan – na ang nagtanong ay mamamahayag na taga-Davao. Pikon niyang tinugon ito at pati ang asawa ng nagtanong ay idinamay.

Tungkol sa media killings – na kung saan inilarawan niya kaya namamatay ang isang media practitioner ay dahil ito ay tiwali. Pahayag na nagbunga ng paghamon ng grupong ‘Reporters Without Borders’ na iboykot si Duterte. Ang RWB ay samahan ng mga dayuhang kinatawan ng media at hindi ng media sa Pilipinas.

Tungkol sa sexual harassment – ang desisyon ng Commission on Human Rights na naniniwalang may paglabag si Duterte matapos kanyang naging ‘pagbibiro’ sa napatay na babaeng misyonaryo na dapat ay nauna ang mayor (siya) dahil sa mala-holywood nitong ganda.

At ang naging pagsipol niya kay GMA reporter Mariz Umali habang seryosong nagtatanong.
Ang mga pangyayaring ito ang nagbunga sa desisyon ni Duterte na itigil na ang pakikipag-usap sa media at nagdeklara ng pag-boykot sa lahat ng panayam sa kanya.

Bakit media ang babalikat ng maling paghuhusga ng publiko gayong ibinalita lamang nila ang mga naging pahayag ni Duterte? Walang dagdag bawas, walang bawas.

Hindi ko matatanggap ang naunang pahayag ng natanggal na tagapagsalita ni Duterte na si Atty. Salvador Panelo na pinipilipit (twist) ng media ang nais ipakahulugan ng hinalal na pangulo para ipamukha siyang masama.

Uulitin ko, ibinabalita lamang ng media ang mga lumalabas sa bibig ni Duterte. Walang dagdag, walang bawas, walang pagba­luktot, tulad ng nais iparatang ng iba.

Related Posts

Lalo na sa telebisyon at radyo, boses ni Duterte ang napapanood at napapakinggan.  Bawat salita. Bawat punto. Pati facial reaction. Hindi maaaring baguhin.

Balikan ko ang isyu ng katiwalian sa media. Inamin ito mismo ni Duterte na alam niya na may ilan sa media ang tumatanggap ng payola dahil siya mismo ang nagbibigay ng pera. Ang pagbubulgar niyang ito ay patunay na kabahagi rin siya ng korapsyon.

Sa nauna kong paghamon, na magbigay siya ng pangalan ng media na corrupt, walang sagot.

Sa hamon ko naman sa mga mamamahayag sa Davao na kondenahin ang pahayag na ito ni Duterte na ilan sa kanila ay bayaran, wala ring sagot.

Mapanganib ang patuloy na pagbugbog ng social media ni Duterte sa kredibilidad ng ‘mainstream media’. Gayong ‘di rin naman patitinag ang malalaking media outlet sa pambu-bully na ito at patuloy na gagawin ang kanilang trabaho.

Ang tanong, layon ba nilang takpan ang bibig at piringan ang mga mata ng media para hindi maibalita ang mga maling plano ng nakapaligid sa halal na pangulo? Na ang gusto lamang nilang makarating kay Duterte ay mabubuting balita?

Tandaan, media ang ginawang tulay para maging matagum­pay ang Edsa People Power noong 1986 at mapatalsik ang diktador. Media rin ang malaki ang naitulong sa tinaguriang Edsa Dos na nagpalayas kay Joseph Estrada sa Malakanyang. Media rin ang nilalapitan ng mamamayan tuwing nagigig biktima sila ng bulok na sistema sa mga ahensya ng gobyerno.

Totoong ang malalaking media company ay pribado at isang uri rin ng negosyo, pero mas nangingibabaw sa kanilang adbokasiya ang public service at komunikasyon.

Bagama’t hindi ko itatanggi na mayroon sa media practitioner ang ginagamit din ang propesyong ito para makapang-abuso. At sang-ayon ako kay Duterte na may ilang miyembro ng media ang pinatay na ang motibo ay labas sa kanyang trabaho. Ngunit bilang Pangulo o Ama ng bansa, mas inaasahan ng aming hanay ang proteksyon mula sa kanya.

Hindi naging matagumpay ang kampanya noon ni dating Unang Ginang Imelda Marcos na “the true, the good, the beautiful” at para maitago ang anomalya at pang-aabuso ng Marcos regime at sinarhan ang ilang media outlet.

Mga iGan, dahil sa aral sa nakaraan, mas gugustuhin ko na, ang “isang ABUSADONG media, kaysa isang media na TIKOM ANG BIBIG at BULAG ANG MATA sa nangyayari sa kanyang paligid.”

Hindi kailanman maitatago ang baho at masangsang na amoy. Lalabas at lalabas din ito.
Iisa dapat ang layunin ng mainstream media at totoong social media – ang magbantay sa maling gawain ng gobyerno at matiyak na nakararating sa bawat mamamayan ang programa nito.

Kung magkakaisa lamang tayo, hindi magtatagumpay ang mga nakapaligid kay Duterte na abusuhin ang mandato na ibinigay sa kanya ng 16 na milyong Pilipino.

Lord Kayo na po ang bahala.