Una sa Balita

Hirit na: ‘Cover-up’

By
0 3

Hindi katanggap-tanggap ang pahayag ni Sen. Franklin Drilon na “walang saysay” ang mga na­ging pagdinig ng Senado kaugnay ng pork barrel scam.

Ang kanyang dahilan, tapos na ang sesyon ng 16th Congress.

Ha???!!! Ganu’n lang ‘yun? Sa­yang naman ang pera ni Juan Dela Cruz na ginastos sa bawat pagdinig publiko. Lalo na ang ginugol na oras kung saan tinutukan ng buong bansa ang pagbubulgar ni Benhur Luy.

Halos 10 bilyong piso sa kaban ng bayan ang pinagsamantalahan ng mga senador at kongresista sa ilegal na transaksyon ni Janet Lim-Napoles sa paglustay ng Priority Development Assistance Fund o PDAF.

Labindalawang senador at 67 kongresista ang nasa opis­yal na listahan ni Janet Lim-Napoles o mas kilala sa tawag na ‘Napolist’.

Noong May 15, 2015, isinumite na ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima sa Senate Blue Ribbon Committee ang pirmadong listahan ni Napoles – ang sinasabing mastermind ng pork barrel scam.

Isa itong malaking ‘cover-up’ sa panig ng Senado kung hindi babaguhin ni Drilon ang kanyang pahayag.

Hindi magandang aral ang iiwan niyo sa mamamayang Pilipino.

Ang isang ordinaryong snatcher kapag nahuli, kundi bugbog ng bayan ay nagtatagal sa loob ng bilangguan hangga’t ‘di nakakapagpiyansa.

Pero kapag pulitiko, na daang milyon ang ninakaw sa kaban ng bayan, hindi na nga nakakahimas ng rehas, ay nahahalal pa ulit sa puwesto.

Huwag naman tayong gawing tanga ni Drilon. Sino ang mananagot sa nawalang pera na dapat ay napunta sa mga mahihirap? Nawalang parang bula.

Hindi dapat makalusot sa kamay ng batas ang mga promotor sa pork barrel scam. ‘Pag walang naparusahan, tahimik tayong pinagtatawanan ni Napoles sa loob ng kanyang selda.

BALITAWIT:

“May Tatlong Bibe”
May tatlong Drug Lord akong nakita
Mataba, mapayat mga Drug Lord
Ngunit si General
Sa likod ay iisa
Siya ang lider ng mga Tulak,
Laklak Tu..
Laklak Tu..
Siya ang lider ng mga Tulak.

Tayo na sa kanto ang sabi
Kikisay-kisay
Ang mga Drug Lord
Ngunit si General
Sa likod ay iisa
Siya ang lider ng mga Tulak,
Laklak Tu..
Laklak Tu..
Siya ang lider ng mga Tulak.

***

Lord, Kayo na po ang bahala.

***

Email: iganclavio@yahoo.com