Una sa Balita

Hinulugang Taktak sa Antipolo, patok na patok sa mga senior citizen ng QC

0 1,485

MASAYANG idinaos ng Federation Officers of Senior Citizens Associations of Barangay North Fairview, Quezon City ang kanilang anibersaryo sa Hinulugang Taktak Protected Landscape kamakailan.

Sa pagpapaunlak ng Antipolo City government, walang binayad sa entrance fee ang halos 120 na mga lolo at lola alinsunod sa polisiya­ ng pamahalaang lokal.

Nagagalak naman si City Mayor Jun Ynares sa mga tumatangkilik sa ngayong malinis at mas pinagandang Hinulugang Taktak. Aniya, nakakatuwang makita na muli na namang nagbibigay ng saya at aliw ang makasaysayang Taktak Falls ng Antipolo sa publiko.

Simula nang linisin ito at pagandahin noong 2015, umabot na sa halos 843,000 na mga turista ang bumista rito mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Nakadagdag libangan din sa mga dumarayo ang swimming pool at mga picnic hut sa parke ng Hinulugang Taktak.

Pinaabot naman ni North Fairview Barangay Chairman Manny Chua ang kanilang pasasalamat sa mainit na pagtanggap ng Antipolo City gov’t sa mga turista. Naging isang masayang pagtitipon ang kanilang prog­rama na may kasamang swimming, picnic, palaro at sayawan para sa mga senior citizen.