Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Hindi uubra ang sablay na paggamit ng pondo sa tech-voc trainees

0 94

Nangangamba ang inyong lingkod dahil napag-alaman nating malaki-laki pa ang hindi nagagastos ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pondo nito dalawa’t kalahating buwan na lang bago matapos ang taon.

Kamakailan lang ay inihayag natin sa isang Senate public hearing sa panukalang budget ng TESDA para sa 2022 na epekto ito ng hindi maayos na pagpaplano at hindi maayos na fiscal management. Kung pipilitin nating gastusin ang natitira pang malaking pondo sa loob ng taong ito, lalabas na gagamitin natin ito para lang masabing nagastos natin ang inilaang pondo at ito ang iniiwasan natin.

Para magasta ng TESDA ang naturang natitira pang pondo, kinakailangan nitong gumastos ng mahigit dalawang bilyong piso kada buwan. Ngunit kung susuriin ang datos ng ahensya noong 2020, halos 700 milyong piso lamang ang nagagastos nito kada buwan. Nitong Setyembre 24 naman, umabot lamang sa 58 porsyento ang Effective Utilization Rate (EUR) ng TESDA.

Bukod pa rito, ang hindi maayos na paggamit sa pondo ay nauuwi sa mga sitwasyong paglilipat ng pondo sa Philippine International Trading Corporation (PITC).

Pinuna nga rin ng Commission on Audit (COA) na noong 2019 ay naglipat ng pondo ang TESDA sa PITC ng halagang umabot sa dalawang bilyong piso. Ngunit nawala na ang awtoridad ng ahensyang gamitin ang pondo batay sa General Appropriations Act (GAA) ng Fiscal Year (FY) 2019. Sa ilalim ng Republic Act No. 11464, pinalawig ang bisa ng paggamit ng pondo sa ilalim ng 2019 GAA hanggang sa pagwawakas ng taong 2020. Ang pondo ay hindi naibalik sa TESDA o sa National Treasury.

Itong naturang pondo ay inilipat sa PITC upang makabili ng toolkits para sa Special Training for Employment Program (STEP) ng TESDA pero hindi pa tapos ang pamamahagi ng mga toolkits. Kaya nakalulungkot malaman na dahil sa naantalang pagpapamahagi, hindi nagamit ng mga scholars ang mga toolkits habang isinasagawa ang kanilang mga training.

Nakakadismaya dahil nagiging hadlang ito sa pagkamit ng layunin ng Technical and Vocational Education and Training (TVET) o tech-voc dahil ito ay isang skills-based training. Kailangan nila itong mga toolkits upang sila ay makapag-ensayo. Ngunit paano naman nila ito magagawa kung wala silang toolkits?

Kailangang maipamahagi na agad ang lahat ng toolkits upang matulungan ang mga trainees na makakuha ng trabaho. Mukhang hindi kasi ganito ang nangyayari. Kailangang maresolba ang pamamahala nito at hindi na ito dapat maulit sa susunod na taon at sa mga susunod pa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.