Hindi si PNoy, kundi si Arroyo ang nagkanulo sa ‘Pinas – solon

By

Hindi si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang nagkanulo sa West Philippine Sea (WPS), kundi si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macacpagal Arroyo.

Ito ang buwelta ng isang militanteng kongresista sa paninisi ni Arroyo sa nakaraang administrasyon kung bakit naging agresibo ang China sa pagtatayo ng kanilang mga military facilities sa Spratly Islands.

Ayon kay Akbayan party-list Rep. Tom Villarin, kung mayroong dapat sisihin sa pagtatayo ng China ng pasilidad sa loob ng 200 nautical miles ng Pilipinas sa WPS ay si Arroyo dahil nilagdaan nito ang  Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) sa China noong 2004.

Dahil dito, nagkaroon aniya ng pagkakataon ang China at Vietnam na mag-explore, hindi lamang ang mga islang okupado ng Pilipinas kundi sa iba pang reefs na nasa loob ng teritoryo ng bansa.

Ginawa umano ito ni Arroyo kapalit ng maanomalyang deal sa North Rail at national broadband network o ZTE deal kaya personal umanong nagpunta noon sa China si Arroyo para plantsahin ang kasunduan.

Ganito rin ang paniwala ni dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Javier Colmenares na isa sa mga kumuwestiyon sa JMSU ni Arroyo.

“In fact the Arroyo administration never protested even if Chinese ships aggressively cruised the seas near Palawan in 2007 when it was well outside the South China Sea and the JMSU area.  Nakakalungkot na gobiyerno mismo ang nagkanulo sa Pilipinas kapalit ng ilang overpriced at maanomalyang kontrata,” ani Colmenares.


SHARE