Una sa Balita

Hindi mahal magmahal

0 478

Ramdam pa ng marami sa atin ang hangover ng Valentine’s Day. Marami pa marahil ang inihehele sa kaligayahan kahit ilang araw na ang lumipas. Bakit nga naman hindi? Masarap naman talagang mahalin at magmahal. Pero, ito ang gusto kong pag-isipan, bakit minsan, mahal magmahal?

Hindi ba kakatwa na iisang salita ang ginagamit natin sa mahal na expensive at mahal na tungkol naman sa pag-ibig? May kinalaman kaya ito sa ekonomiya? Na kung mahal, bihira ang makaka-afford? Pero may diskriminasyon sa katuwirang ito. Baka kasi pambihira ang tunay na pagmamahal kaya ‘mahal’ ang gamit na salita. Mahal ka kaya dapat mahal din ang magagastos para patunayan, kahit man lang isang araw, ang pagmamahal? Puwede. Siguro. Pero hiondi iyan ang ipinupunto ko.

Madali kasing sabihin, pero para sa akin, mahirap mag-manifest nang mabilisan ang pag-ibig. Pero maraming gustong mabilisan ang pagpapadama nang pagmamahal. Kaya nagiging komersyalisado ang Va­lentine’s Day. ­Maraming nagsasamantala sa katuwirang ito.

Kasi, isip ng marami, lalo iyong social ­media savvy, dapat mag-ma­nifest ang pag-ibig na pang-FB status at ­Instagrammable: may maganda pero mamahaling pumpon ng ­bulaklak, mamahaling tsokolate, sosyal na date, ibinili ng malaki at ­mahirap labhang stuffed toy. At iba pa. Mabibilis, halos instant, ­nakakakilig agad.

Mas madali kasing mag-manifest ang pag-ibig kung nakikita ng marami. Para nga naman maraming saksi kung sakaling ­mabulilyaso at hindi magkatuluyan, maraming peer pressure para lalong magtagumpay (kaya sa mga nagbe-break diyan, ­i-inform niyo rin sana kami, bahagi na kami ng inyong relasyon dahil panay ang share ninyo ng happy status at photos, kami naman, panay ang like at heart heart).

Okay, kung dati napakapersonal, nga­yon for sharing dahil naka-public setting na ang pagmamahal. Kaya madalas, magastos para sa kilig-factor. Puwede naman kasing mag-manifest ang pag-ibig sa pagpapaalalang huwag magpakagutom, o mag-iingat lagi sa pag-uwi, o maghugas lagi ng pinggan, mamalantsa, maglaba, samahang magsimba, o magluto nang mura pero espesyal. Maliliit na bagay. Hindi temporal. ‘Yon nga lang, hindi pang-Instagram.

Pero malaki ang epekto ng accumu­lation. Oo, ang ­pag-ibig, accumulation, mga ­effort at maliliit na pagpapatunay na naiipon. Hindi lang sa isang date o isang ma­laking hiwa ng cake. Ang pag-ibig, kung totoo, goes ­beyond kilig.
Nasa maraming paraan, minsa’y mumunting pag-aalaga at pagpapadama ng pagpapahalaga ang pag-ibig. Kaso, ‘yun nga, sa kasalukuyang pagkahilig natin sa komersyal na manipestasyon, sabay upload sa social media, nagiging magastos din ang magmahal.

Pero bahala pa rin kayo dahil pera niyo pa rin naman ‘yan. Pinag-ipunan, ipinangutang, nagtipid ng baon, ku­maltas nang paunti-unti sa suweldo. ­Suggestion lang, palagay ko, ­patok ngayong ­regalo ay isang kahon ng ­surgical mask o N95. Espesyal na ­espesyal. ­Dahil bukod sa walang mabilhan, may isa pa rin itong kahulugan: you care, dahil ayaw mo siyang mahawa o makahawa. At puwede ring ayaw mong makita ang kabuuan ng mukha niya. Pero hindi mo na ito sasabihin. Baka ka ­sampalin.

Maganda at mapagmahal na araw sa inyo, sa kabila ng lahat.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More