Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Hindi maayos na postura

0 89

Magandang nakikita sa isang tao kung ito ay matikas ang tindig. Nagkakaroon ng aura ng kumpiyansa, lakas ng loob at katalinuhan. Ngunit paano na lang kung hindi maayos ang postura? Nakakabawas ba ito ng talino? Kasabay ba ng masamang tayo ang masamang kalagayan o kundisyon? May magagawa pa ba dito? Isang ina ang nagtanong sa atin dahil sa kaniyang anak na nagumpisa na magtrabaho at maliban sa naririnig nya na iniinda ang pananakit ng katawan kung minsan ay napapansin nya ang pagka malakuba nito.

Alalahanin natin na mayroong mga natural na pagkakurba ang ating vertebral o spinal column, kung kaya pag napagod tayo ay maaaring sumunod sa hugis nito ang ating mga muscles at magkaroon ng poor posture. Ito ay masasabing sa oras na makita na nakaabante ang ulo, nakabilog paharap ang balikat, naka liyad ang tiyan at nakayuko ang likod na para bang hinihila ng lupa ang katawan pababa. May mga posibleng maramdaman na kirot at pananakit ng ulo at likod, pagtaas ng blood pressure, hirap huminga, sakit sa puso at daloy ng dugo, sobrang pagkapagod o fatigue, mababa ang enerhiya, problema sa pagdumi at sakit ng tiyan, at madalas balisa at stressed.

Malayong malayo kung tama ang postura, napakagaan at relaks ang pakiramdam. Sa pagkakataon na ito, ang mga buto natin ang humahawak ng ating katawan at hindi ang ating mga muscles. Ang pagtayo ng tuwid at maayos ay mas nakakabalanse ng ating katawan. Sa pagtayo ng mabuti, mas gumaganda ang paghinga, pagtibok ng puso, pagdaloy ng dugo, pati ang pagkilos ng tiyan at bituka natin. Mas lumalakas ang katawan at hindi basta basta mapapagod.

Ang mga sumusunod ay mga paraan upang makamit ang magandang postura. 1. Tumindig ng tuwid at habulin ang tangkad natin. 2. Iatras ang mga balikat. 3. Hilahin papaloob ang tiyan, huwag iliyad. 4. Ang timbang ng katawan ay ilagay sa mga sakong ng paa. 5. Panatiliing naka lebel ang ulo. 6. Ilaylay ng natural sa magkabilang gilid ang ating mga braso at kamay. At, 7. Balansehin ang magkabilang paa ng nakahiwalay at hindi magkadikit. Natural mas makakabuti din kung regular na iensayo at iehersisyo ang likod at tiyan, gawin ergonomically designed ang mga gamit sa trabaho at bahay, at obserbahan ng mabuti ang tindig at kilos at galaw para mapanatili natin ang god posture.

Kung minsan, hindi nakukuha sa kastigo o galit ang pagaayos ng posture. Mas mainam na makuha ang pinakarelaks na posisyon at hindi malayo, makakamit natin ang good posture.
Hanggang sa susunod ! Stay Healthy! Stay safe! Be vaccinated and boostered!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 at channel 23, tuwing linggo 11am-12nn at Kapitbahay sa DZEC1062 tuwing sabado 715am) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.