Una sa Balita

Hindi lang minsan kailangan ang ama

0 306

Isantabi na muna natin sandali ang pagtalakay sa mga bagay-bagay at mga isyu na may kinalaman sa suliranin ng ating lipunan dahil nais kong bigyang daan ang paggunita sa Araw ng mga Ama o Father’s Day.

Dahil isa na rin akong ama, mas higit kong naintindihan ang tunay na kahulugan ng katagang ito sa tunay na kahulugan nito, ngunit hanggang ngayon kahit ako ay isang ama na ay nananatiling kailangan ko pa rin ng isang ama.

Kilalang action star ang aking ama na si Ramon Revilla, Sr. dahil sa kaniyang agimat sa mga pelikulang kaniyang ginampanan, matapang at nahalal pang senador matapos magretiro sa pelikula.

Ngunit marami ang hindi nakakaalam kung gaano kalambot ang puso ng aking ama, sa kabilaang pagdaloy ng kaniyang luha matapos pumanaw ang aming ina ay ramdam na ramdam namin ang kaniyang tatag para muling harapin ang buhay.

Ipinakita niya sa amin ang pagiging matibay na haligi ng tahanan kahit nag-iisa at napagtagumpayan niyang mapanati­ling buo ang aming pamilya hanggang malampasan namin ang napakalaking pagsubok sa aming buhay.

Ito ay nang sampahan ng imbentong kaso ang aking kapatid na si Sen. Bong na halos gumiba sa buo naming angkan dahil kilala namin ang aming kapatid at kung gaano ito kariwasa sa buhay.

Sa puntong ito ng aming buhay ay mas dito ko naramdaman ang katatagan ng aming ama dahil sa kabila ng mga pagluha ay hindi siya nagsasawa sa pagsasabi sa aming magkakapatid na lalong magmahalan.

Kaya sa aming ama, kulang na kulang ang espasyong ito para sa pagpupugay namin sa inyo. Happy Father’s Day po at sa lahat na rin ng mga tatay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy