Una sa Balita

Hindi lang bigas ang problema

By
0 999

At naganap na nga!

Ang mga opisyal na mismo sa National Food Authority at maging ng NFA Council ang nagkumpirma na nasaid na ang mga bodega ng NFA at naubos na ang bigas ng masa na NFA rice sa Metro Manila at ilan pang ­lalawigan.

Kaya kung dati ay may nabibili pang bigas ng NFA na halagang P27 hanggang P35 bawat kilo ang mga kababayan na­ting isang kahig, isang tuka, ngayon ay masuwerte na sila kung may mabili silang commercial rice na halagang P42. Pero ang tanong ng ating kurimaw, purong commercial rice kaya iyon at walang halong NFA rice na naglaho?

Matagal nang nababalita na may mga kolokoy na nagbebenta ng murang NFA rice sa mga negosyante na kung hindi nire-repack o isinasalin sa sako ng may tatak na commercial rice, aba’y inihahalo sa ibang uri ng bigas para maibenta sa mas mahal na halaga.

Habang nangangamote ang mga hikahos kung papaano pagkakasyahin ang maliit nilang budget para makabili nang mas mahal na bigas, ang mga opisyal na dapat namamahala sa ‘food security’ ng bansa, aba’y naghahanap ng masisisi kung bakit inabutan ng pagkasaid ang mga bodega ng NFA.

Mandato kasi mga tsong ng NFA na dapat may imbak silang bigas na tatagal nang hindi bababa sa 15-araw bilang paniguro kung sakaling magkaroon ng hindi inaasahang problema sa suplay ng pagkain sa bansa. Bukod doon, ang NFA rice ang dapat na magsi­silbing pambalanse sa ­suplay nang mas mahal na commercial rice.

Halimbawa, kung may gumagawa ng kabalbalan para magkulang ng suplay ng bigas sa merkado at magtataas ng presyo ang mga negosyante ng kanilang commercial, maaa­ring magpabaha nang mas murang NFA rice ang gob­yerno para matapatan ang laban sa presyuhan.

Ngunit ngayon na walang NFA rice na puwedeng panabla sa presyuhan sa merkado ng commercial rice, ano na ang mangyayari? Kaya naman hindi maiwasan ng ating kurimaw na magduda, sinadya kayang ipaubos ang NFA rice para maging tiba-tiba ang mga negosyante?

Ang NFA Council, ipi­napasa sa pamunuan ng NFA ang problema at nais nilang maimbestigahan ng Commission on Audit ang maramihan umanong pagpapalabas ng NFA rice sa panahon na hindi naman kailangan dahil harvest season ng mga lokal na magsasaka.

Nakalimutan yata ng mga opisyal na ito na may buwanang malala­king suweldo at allo­wance na hirap at mabigat para sa mga pobre na bumili­ ng bigas na P42 ang bawat kilo. Aba’y marami sa mga maralita ang ma­suwerte na kung kumita ng P100 o P200 sa isang araw para mapakain ang pamilyang may tatlo hanggang limang miyembro.

Kung talagang sapat at labis ang bigas na pang­komersyal na mula sa mga lokal nating magsasaka, bakit hanggang ngayon ay hindi makagawa ng tamang pormula ang NFA para sila ang bumili ng palay ng mga magsasaka sa panahon ng anihan? Ang nangyayari kasi lalo na kung may bagyo, napipilitan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang palay sa mga negosyante kahit sa murang presyo para hindi lang masayang.

Ngunit kung dati ay kulang lang ang nagi­ging problema sa NFA rice, ngayon eh nasaid na talaga. Matagal na ngang problema ang usaping ito pero parang pag-ibig na hindi matutunan ng NFA kaya siguro pati ang bigas nila eh gustong ‘magmahal’. Bakit nga ba? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”