Una sa Balita

Hindi lahat pulpol!

By
0 758

Nitong mga nakaraang buwan, sunod-sunod na nasasakote ng mga matitinong pulis ang mga kabaro nilang pulpol at utak kriminal. Ang kagandahan nito, kahit ang police station kung saan nakadestino ang mga buraot na may tsapa, sinasa­lakay na rin ng mga good cop.

Nitong nakaraang buwan lang, sinalakay ng mga matitinong pulis ang isang police station sa Muntinlupa City para hulihin ang mga kabaro nilang sangkot daw sa pagkidnap o ‘hulidap’ sa mag-ina ng isang lalaking inaakusahan nilang sangkot sa droga.

Sa nasabi ring buwan, sinalakay din ng mga good cop ang isang police station sa Maynila dahil din sa alegasyon na may mga pulis doon na sangkot sa hulidap at kinikikilan ang mga nahuhuli nilang mga drug suspect.

Abante Hiring – IT dep

Akala yata ng mga kolokoy na pulis eh nagpapasikat lang ang kanilang mga hepe na sina PNP Chief Oscar Albayalde at NCRPO Chief Guillermo Eleazar. Pareho kasi ang estilo ng dalawa pagdating sa pagdisiplina sa mga tauhan nila.

Noong NCRPO pa si Albayalde, madalas siyang mag-surprise inspection sa mga police station at sinasabon ang mga tutulog-tulog at mga pasaway na pulis. Nang humalili sa kanya si Eleazar sa naturang puwesto, ipinagpatuloy niya ang ginagawa ng kaniyang hepe. Ang tingin ng ilang pulis, nagpapasikat lang at nagpapapogi ang dalawang opisyal para makuha ang kani-kanilang puwesto.

Pero ngayon, nakikita na desidido ang dalawa na linisin at alisin ang mga ‘bugok’ sa kanilang hanay. Aba’y maliban sa nakasisira sa war on drugs campaign ng gobyerno ang mga pulpol na pulis, sinisira pa nila ang tiwala ng publiko sa kapulisan. Bukod doon, parang lumalabas na walang saysay ang ginawa ni Pangulong Mayor Rodrigo Duterte na doblehin ang sahod ng mga pulis, lalo na ang pinakamababang ranggo na Police Officer 1 para hindi sila matukso na gumawa ng kalokohan at mangdelihensiya.

Kahit dumadami ang mga pulis na pasaway, hindi pa rin naman dapat tayo mawalan ng pag-asa dahil higit na marami pa rin naman ang mga good cop. Sabi nga ni Senador Ping Lacson na dating PNP Chief, dapat saluduhan at purihin ang ginagawa ngayong kampanya ng kapulisan laban sa kanilang mga kabarong pasaway.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”