Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Hindi lahat ng maysakit may Covid19

0 361

Ang ating kalusugan ang nanganib at tuluyang nanganganib sa panahon ngayon ng pandemya ng Covid19. Tumataas ang bilang ng nagkakaroon ng Coronavirus na ito. Sa umpisa ang karamihan ay itinatanggi na maaari silang tamaan. Ngunit sa linggong ito, ito ang gustong malaman ng ating tagasubaybay. “Talaga bang tumataas ang bilang ng may Covid19? Kamakailan ay may dalawa akong kaibigan na nagpositive, isang kapitbahay, at sariling pinsan ay positibo din. Nakakatakot na ang kalagayan, at nababalisa na sa kaiisip na baka mahawa din ako. Ano po ang pinakamagandang gawin talaga doc? Help please!”

Noong ako’y nag-aaral, may kasabihan ang isa sa aking mga senior na, “if you hear hoofsteps, think horses, before zebras.” Ibig sabihin, isipin natin ang mas karaniwan bago tayo magisip ng mas madalang o bihirang dahilan. Lalo na sa ating bansa, mas madalas tayong makakita ng kabayo kaysa zebra, na kalimitan sa zoo lang matatagpuan. Kung ihahalintulad natin ang kasabihang ito sa sakit, hindi lahat ng sintoma o sakit na ating makatagpo ay Covid19 ang dahilan. Ngunit dahil nasa pandemya tayo, mas mabuting baliktad ang isipin natin, at maliban kung mapatunayang negatibo sa eksaminasyon, ituring nating lahat ng nilalagnat, inuubo, nanghihina, pinupulmunya ay tinataguring Covid19 suspect.

Totoong tumaas ang bilang ng may Covid19 sa ating bansa, ngunit isa sa dahilan ay mas madami na ang naeksamin at nakitaan na positibo sa sakit. Dahil kaliwa’t kanan ang eksamin, hindi malayong may kakilala tayo at kamag anak na maaaring magpositibo din. Huwag munang mataranta kung mabalitaan ito lalong lalo na kung hindi naman nakisalamuha sa kanila. Kung talagang nakasama sila, pinakamainam magpaeksamin na din. Hindi lang ng rapid test ng antibodies, kundi, ang RT-PCR o swab test na at habang inaantay ang resulta ay mag self-quarantine.

Uulitin ko, hindi lahat ng may sakit ay dahil sa Covid19, ngunit, hindi din lahat ng positibo sa Covid19 ay may sintomas. Hindi natin malalaman na nadapuan na hanggang sa may sintomas na o magpaeksamin.

Sa totoo lang, oo nakakatakot ang Covid19 dahil sa nababalitaan nating mga nabawian ng buhay dahil dito. Ang payo ko, huwag matakot at magkaroon ng presence of mind.

Para sa akin, itinuturing ko na lahat ng makausap ko, makasalimuha at makasama ay positibo sa Covid19 dahil nasa sa akin mismo ang pagpahahalaga ng aking kapakanan at ng aking pamilya. Siguraduhing dumistansya sa ibang tao, maghugas ng kamay bago hawakan ang mukha, mag disinfect, at magsuot ng mask. Sa ganitong pamamaraan, mananatili tayong healthy at safe.

Hanggang sa susunod! Stay Healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.