Una sa Balita

Hindi lahat ng laruan dapat paglaruan

0 320

STRIKE SA SERBISYO

Ilang tulog na lang at papasok na ang buwan ng Setyembre at ngayon pa lamang ay kung ano-anong kalakal na ang pumapasok sa ating bansa na may kaugnayan sa Pasko at inaasa­hang ikakalat na sa mga bangketa sa mga darating na linggo.

Isa sa pangunahing malakas ibenta ay ang iba’t ibang klase ng laruan na halos lahat ng nagtitinda sa Baclaran, Divisoria at iba pang pamilihan sa bansa ay ito ang inaangkat mula sa ibang bansa.

May mga local manufacturer din ng mga laruan ngunit may mga negosyante rin na siyang namimili mula sa China at sila ang nagbabagsak sa mga may puwesto sa pamilihan at marami sa kanila ang hindi sumusunod sa Toy and Game Safety Labeling Act of 2013 (RA 10620).

Maraming manufacturer ng laruan ang walang pakialam basta gawa lamang nang gawa ng laruan kahit lumalabag na sa batas kaya nga hindi alam ng mga mamimili kung ano ang mga materyales na ginagamit sa binibili nilang laruan.

Sa ganitong pangyayari, maraming laruan sa pamilihan ang hindi ligtas dahil unang-una ay naisasantabi ang karapatan ng mamimii sa karapatan nilang malaman kung ano ang materyales na ginamit.

Hindi kasi sumusunod sa prescribed mandatory labeling requirements ang mga negosyanteng ito kaya hindi tuloy maipatupad kung anong edad dapat o hindi dapat ang isang laruan na karaniwan ay hindi ligtas dahil sa nakakalasong kemikal.

Panahon na para higpitan ang implimentasyon ng batas para mabigyan ng karampatang proteksiyon ang mga mmimili partikular ang mga bata na siyang pangunahing biktima ng mga walang pakialam na manufacturer o nag-aangkat ng mga laruan mula ibang bansa.

May mga pag-aaral na kasi na maraming mga bata ang nakakakuha na ng kung anu-anong sakit dahil sa mga laruang kontaminado kaya napapanahon na para mawala sa pamilihan o kaya ay huwag nang bumili pa ng mga laruang may hazardous chemicals.

Lumabas kasi sa pagsusuri ng mga eksperto tulad ng Eco Waste Coalition na positibo sa toxic chemical gaya ng lead at phthalates ang karamihan sa mga nabibiling laruan na karaniwang epekto sa mga bata ay sa utak na tumatama.

Ang alam ko ay gumagalaw naman ang ating pamahalaan hinggil dito lalo na ang Department of Health (DOH) pero sadyang umiiral ang pagkagahaman ng mga negosyante kahit na may mga bata pang naaapektuhan.

Ayon kasi sa batas , dapat bawat laruan ay mayroong label na nakasulat sa English at hindi na kailangang gamitan pa ng magnifying glass para lamang mabasa ng maayos para bago bilihin ay mabigyang babala ang mamimili.

Kung hindi kayang pigilan ng pamahalaan ng mga negosyanteng walang pakialam sa mga bata ay makabubuting ang mga magulang na ang kusang mag-ingat sa pagbili ng mga laruan.

Huwag kayong pumayag na maisahan ng mga gahamang negosyante na ito kaya dapat maging mapanuri at alamin ang laruang ibibigay ninyo sa inyong mga mahal sa buhay lalo na sa inyong anak.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy