Una sa Balita

Hindi kuwentong kutsero ang poot ng Diyos

By
0 7

Ang sabi minsan ng isang kaibigan kong pastor, “Huwag masyadong magpapanood ng mga ipino-post sa YouTube. Karamihan ng mga iyan puro kwentong kutsero.”

Interesado kasi ako dun sa mga bali-balita tungkol sa pla­netang sinasabing siyang dahilan kung bakit nagkakawindang-windang ang mga sistemang ekolohikal at atmosphe­ric sa ating panahon ngayon. Kung bakit may climate change, bakit binabaha ang mga lugar na dati’y hindi binabaha, bakit libu-libong mga isda sa karagatan ang namamatay araw-araw.

Dulot daw ng mapanirang magnetic effects ng paglapit sa Earth ng planetang iyon. Ang sabi pa’y ito raw ang planetang nagdulot ng pagkamatay ng mga dinosaurs nu’ng unang panahon, at siya ring sanhi ng matinding delubyo noong panahon ni Noah.
Bola. Haka-haka. Kasinungalingan.

Abante Hiring – IT dep

Senyales ng end of the world! Pabalik na si Hesus! Nakakatakot!

Ayan. Mga iba’t ibang reaksiyon mula sa mga YouTube viewers sa iba’t ibang panig ng mundo. Pero sa totoo lang kasi, kailangan talaga nating paghandaang maigi ang katapusan ng lahat ng bagay. May bagong panahong darating at ito ang panahon ng personal na paghahari mismo ng Panginoong Hesus sa lupa. Mababasa mo nang detalyado ang tungkol diyan kapag pinuntahan mo at binasa ang kahuli-hulihang aklat sa Bagong Tipan ng Bibliya — ang aklat ng Pahayag o Apocalipsis.

Sa takdang araw ng pagbubuhos ng poot ng Diyos sa lahat ng kasalanang nasa lupa ay talaga namang kahindik-hindik ang sasapitin ng ating daigdig at ng lahat ng nilalang na pa­tuloy na tatanggi sa alok ng kaligtasan ng Panginoong Hesus. ‘Yun lamang mga taong mananampalataya sa ginawa ni Hesus sa krus bilang kabayaran ng kanilang mga kasalanan ang, tulad ng ginawang pagsagip ng Diyos kay Noah, ay masasagip din.

Mahalagang maunawaan natin na nu’ng panahon ni Noah ay kakaunti lamang ang naligtas mula sa kamatayang dulot ng matinding pagbaha sa buong daigdig. Katulad din ng panahong iyon, matinding pighati ang daranasin ng sanlibutan at kakaunti rin lamang ang maliligtas, kumpara sa pangkalahatang po­pulasyon ng buong mundo.

Related Posts

May panahon din sa Lumang Tipan na kung saan ay ihi­nalintulad ng Diyos na si Yahweh ang Jerusalem sa isang pa­tutot o bayarang babae. Naging taksil ang Jerusalem sa Diyos noong panahong iyon. Ipinagwalang-bahala nito ang utos ng Diyos na huwag siyang sasamba sa mga diyus-diyosan, huwag aasa sa mga karatig-bansa upang maisalba sa napipintong pa­nganib. Tanging ang Diyos lamang ang dapat niyang ibigin, tanging ang Diyos lamang ang dapat niyang asahan.

Pero hindi iyon ang ginawa ng bayan ng mga Judio noong araw. Tumalima ito sa kanilang mga “mangingibig” — ang mga karatig-bansang mas pinagtiwalaan nilang tutulong sa kanila kaysa sa Diyos. Pati ang mga seremonyas ng mga taga-Canaan ay kanilang tinanggap at ginawa, gamit ang mga banal na alay sa Panginoon! Anong laking sakit ng kalooban ang ibinigay ng mga Israelita kay Yahweh, na Siyang lumikha sa kanila bilang Kanyang bayan, nag-aruga, at nagligtas sa kanila.

Kaya ang “palo” na kanilang ininda: ‘Yung mismong mga bansang iyon ang hinayaan din ng Diyos na sumira sa kanilang bayan at sumamsam ng kanilang mga ari-arian. Nagsisi ang Jerusalem sa pagkakamali, at doon lamang nanumbalik ang kanyang relasyon kay Yahweh.

Kaibigan sa mga pangyayaring ito sa kasaysayan ng Israel ay magbulay-bulay po tayo. Inaanyayahan kitang basahin ang aklat ng propeta Ezekiel sa Lumang Tipan para makita mo kung paano makipag-ugnay ang Diyos sa tao.

Talagang banal ang Diyos, umiibig nang dalisay. Umaasa rin Siyang magiging gayon din tayo sa Kanya. Noon, ipinamalas Niya ang Kanyang pagiging kapwa mapagmahal at makatarungan sa pamamagitan ng Kanyang pakikipag-ugnayan sa Israel. Talagang pinaparusahan Niya sila noon kapag mali ang ginagawa nila. Ang mga naliligtas ay ‘yung mga Israelitang nananatiling tapat sa kanilang pananampalataya. At kapag sila’y nagsisi, sila nama’y Kanyang tinatanggap.

Ngayon, sa panahong ibinuhos na ng Diyos ang ganap na biyaya hindi lamang sa Israel kundi sa buong sangkatauhan, wala na tayong dapat ipag-alala pagdating sa mga “palo” ng Diyos bunga ng ating mga kasalanan. Ipinadala na ni Yahweh noon pa ang Tagapagligtas sa atin mula sa mga malalalang hagupit ng Diyos. Namatay si Hesus sa krus bilang pantubos sa atin mula sa kasalanan. Ang tanging nalalabing gawin ng tao ay ang magpasyang ibigay ang sarili sa Diyos at ibigin Siya nang buong puso.

Ang salot na sisira sa buong daigdig bago ang personal na paghahari ni Hesus ay tiyak na darating at mangyayari. Maaaring sa pamamagitan ng planetang babangga sa daigdig natin, o sa pagtupok sa atin ng matitinding “solar flares” mula sa nagwawalang Araw (sun), o sa giyerang nukleyar, o sa matitinding sakit na walang lunas, o sa kahit ano pa. Ang pag-asa at kahandaan natin ay manggagaling sa pusong tunay na pinaghaharian ni Hesukristo. Magpasya na po tayo ngayon, habang may panahon pa. Shalom and God bless! (zayithhebron.wordpress.com)