Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

‘Hindi ko pa panahon’ Bong Go laban-bawi

0 92

Pinag-iisipan pa ni Senador Christopher ‘Bong’ Go kung aatras siya o hindi sa pagtakbo sa pagka-pangulo para sa 2022 election.

“Baka hindi ko pa po panahon. Ako ‘yong taong handang magsakripisyo para wala nang maipit, masaktan at mamroblema,” pahayag ni Go sa isang statement.

“Ayoko na pong mahirapan si Pangulo at ‘yong mga supporter natin. Mahal ko po si Pangulong Duterte. Matanda na rin po siya at ayaw ko siyang bigyan pa ng dagdag na problema,” dagdag pa nito.

Ginawa ni Go ang pahayag isang araw matapos itong sabihin na isang opsiyon ang pag-atras nito sa kanyang presidential bid.

“I am willing to make the supreme sacrifice for the good of our country, and for the sake of unity among our supporters and leaders,” sabi ni Go.

Kung anuman ang aking magiging desisyon, ipapasa-Diyos ko na lang ang lahat alang-alang sa kung ano ang makakabuti sa bayan,” ayon pa sa dating presidential aide ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon pa kay Go, hindi umano niya pinangarap ang pagtakbo sa pagka-pangulo subalit iyon aniya ang desisyon ng kanyang partido at tinanggap din nito ang hamon ng pangulo na tumakbo na pinakamataas na posisyon ng bansa.

“At present, I continue to seek guidance from the Divine Being for I believe that the presidency is a matter of destiny. Kung para sa’yo ‘yan, para talaga sa’yo ‘yan,” ani Go.

“Naging kandidato na ako as vice president for about 40 days hanggang sa nangyari po ang hindi natin inaasahan. At dahil sa mahal ko at ayaw kong masaktan si Pangulong Duterte at ang kanyang pamilya ay kinailangan ko pong magpaubaya,” ani Go.

Samantala, napaulat na aatras na sa presidential race si Go dahil lumalakas ang suporta sa tambalan ni presidential aspirant Ferdinand Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte.

Sa ulat ng Bombo Radyo Tuguegarao, sinabi diumano ni Cagayan Governor Manuel Mamba na inihayag ni Go ang kanyang pag-atras sa pagtakbo sa pagka-pangulo sa meeting kay Pangulong Duterte kasama ang mga governor sa Malacañang noong Miyerkoles.

Nang tanungin ang kampo ni Go, sinabi ni Gelo Villar, chief of staff ng senador, pinag-iisipan pa lang at hindi umaatras ang huli sa kanyang kandidatura sa pagka-pangulo.

“Wala pa namang sinasabing aatras,” sabi ni Villar sa Abante. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.