Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Hindi ko iiwan si Lacson! Robredo butata sa pag-agaw kay Sotto

0 928

Hayagan umanong tinanggihan ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang alok ng kampo ni Vice President Leni Robredo na iwan ang partner niyang si Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson at kumampi na lang kay Vice President Leni Robredo para maging running mate nito sa 2022 national elections.

Agad umanong binasted ni Sotto ang panliligaw sa kanya ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na makipag-tambalan kay Robredo nang sorpresa silang bisitahin ng Liberal Party (LP) stalwart noong Oktubre 3.

Sa ulat ng Politiko online news, hiniling umano ni Drilon kay Lacson na umatras na lang ito sa paglahok sa presidential race para bigyang-daan ang kandidatura ni Robredo.

Kukunin umano nila si Sotto para maging running mate ni Robredo at pantapat sa manok ng administrasyon na si Sen. Bong Go para sa pagka-bise presidente.

Sinabi ni Drilon na isa umano itong paraan para mapalakas ang puwersa ng oposisyon laban sa administrasyon at umuungos na popularidad ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos.

Gayunman, agad umano itong sinupalpal ni Sotto at ipinaliwanag kay Dri­lon na malabo na itong mangyari dahil buo na ang kanilang mga samahan, sectoral groups at political parties sa buong bansa.

Iginiit ni Sotto na wala silang iwanan ni Lacson kahit ano pa ang mangyari.

Inamin ng magka-tandem na nagulat sila sa alok ni Drilon dahil ang inakala nilang ang motibo ng pagbisita nito sa kanila ay ang pagsama sa kanilang tiket ng tatlong senatorial aspirant mula sa LP.

Sa kasalukuyan ay may 15 politiko ang nagnanais na mapabilang sa tiket nina Lacson at Sotto.

Samantala, sinabi ni Lacson na na­tuldukan ang hangarin ni Robredo na mapag-isa ang oposisyon nang tumanggi ito sa mungkahi niyang paatrasin ang mga non-administration candidate at piliin ang politikong pinakamalakas sa mga survey.

Sinabi ng tambalang Lacson-Sotto na nirerespeto nila ang pasya ni Robredo na hindi pag-atras sa pagtakbo kung kaya’t nag move-on na rin sila para pa­lakasin ang kanilang puwersa.

Sa kasalukuyan, suportado ang Lacson-Sotto ng apat na malalaking partidong pulitikal at ito ay kinabibilangan ng Partido para sa Demokratikong Reporma na pinamunuan ni Lacson; Nationalist People’s Coalition na pinangu­ngunahan ni Sotto; National Unity Party ni dating interior secretary at campaign strategist Ronnie Puno; at United Nationalist Alliance na pinamumunuan ni dating Vice President Jejomar Binay.

Ani Sotto, nakalatag na ang kanilang mga programa ni Lacson kung kaya’t nangako sila sa isa’t isa na wala silang iwanan kahit ano pa ang mangyari. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.