Una sa Balita

Hindi kapit-tuko

0 492

Iinaamin ko, isa ako sa mga umasang sana’y magwagi ang Alaska sa Game 6 ng finals ng PBA Governors Cup. Ito’y para mabigyan sana ng pagkakataon si coach Alex Compton at ang Alaska Aces na makuha ang titulo sa Game 7.

Pero sadyang maganda ang laro ng Magnolia Hotshots sa naturang laban. Sadya ngang para sa kanila ang titulo, ang korona. Congratulations kay coach Chito Victolero at sa kanyang mga manlalaro. Talagang angat kayo nang gabing ‘yun.

Ang pinag-uusapan ngayon ng mga katoto ay kung mananatiling coach ng Alaska si Compton matapos niyang malasap ang ikalimang pagkatalo sa finals.

Kung sa NBA nangyari ang ganun, malamang na matangal o sibak si coach Alex. Pero iba ang kultura sa Alaska. Basta’t nakita ng may-ari na talagang ibinigay ng koponan ang lahat, bibigyan ka pa rin ng tsansa.

Ang tanong ay kung ganito pa rin ang tingin ng may-ari matapos ngang matalo ang Alaska sa nakaraang finals. Maghahanap na ba ng ibang coach ang Alaska? Hindi na ba mu­ling bibigyan ng tsansa si coach Alex?

Malalaman natin sa mga darating na araw kung ano ang mangyayari. Malamang na matapos ang laban ay nag-usap si Alex at ang team owner ng Alaska na si Fred Uytengsu. Hindi na natin kakalkalin kung ano ang pinag-usapan nila. Sa kanila na lang ‘yun.

Pero tiyak na matagal nang nag-alok na mag-resign si Alex para bigyan ng free hand ang koponan na kumuha ng bagong coach. Sigurado akong hindi siya kapit-tuko sa puwesto. At kung gusto ni Uytengsu na magkaroon ng bagong coach ang koponan, matagal na niya itong ginawa.

Marami ang nagtatanong sa akin kung ano malamang ang nangyari kung nasa Alaska pa si Calvin Abueva sa nakaraang finals. Simple lang ang sagot ko: Mahirap sabihin. Kaya pinakawalan ng koponan si Abueva ay dahil naniniwala ang mga opisyal nito na kaya nilang manalo maski wala si Abueva.

At hindi sila handang pabayaan lang na biglang nawawala si Abueva at hindi mahagilap. Binigyan na nila ito ng pagkakataon pero muli itong umulit. Sa mata ng Alaska, kailangan mong panindigan ang iyong pagiging propesyunal. Kung hindi mo ito kayang gawin, handa silang pakawalan ka.

Si Compton man o hindi ang coach ng Alaska sa pagpasok ng bagong season ng liga sa Enero, isa lang ang sigurado: Na bibigyan ng koponan ng magandang laban ang sinumang makaharap nito sa court.

Isa ito sa mga dahilan kung bakit minsan ay tinanghal na grand slam champion ang Alaska.

Jimmy Cantor