Una sa Balita

HINDI KAMI MADIDIKTAHAN!

By
0 3

Isang balik-Senado at isang ‘neophyte’ na senador ang nagbigay ng katiyakang hindi madidiktahan ninuman o kahit pa ni President-elect Rod­rigo Duterte ang Mataas na Kapulungan ng bubuksang 17th Congress.

Sina Sens.-elect Panfilo Lacson at Leila de Lima ay kapwa pumapalag sa babala ni Duterte sa mga mambabatas sa Kongreso na huwag harangin o huwag maging sagabal sa kanyang giyera konta kri­minalidad at illegal drugs.

Binigyan-diin ni Lacson na walang sinumang puwedeng magdikta sa mga senador kung ano ang dapat at hindi dapat nilang gawin dahil mayroong mandato ang mga mambabatas mula sa taumbayan at ang obligasyon at trabaho nila ay nakatahi sa mandatong ito.

Nilektyuran ng beteranong senador at dating PNP chief ang inco­ming president na walang sinumang maaaring pumi­gil sa mga mambabatas para gawin ang kanilang trabaho tulad ng pagsasagawa ng mga imbestigasyon.

Kung pipigilan ng uupong pangulo ang pagdalo ng cabinet members sa imbestigasyon ng Senado, hindi sila magdadalawang-isip na patawan ang mga ito ng contempt upang maipakulong sa pang-iisnab sa Senado.

“The Congress, particularly the Senate is not like most of the provincial, city or municipal councils. We will conduct investigations in aid of legislation whenever necessary, and nobody, not even the President of the republic can dictate and stop us from doing our job. The President should not & cannot stand in the way of our mandated duty,” diin ni Lacson.

“We will exercise our subpoena powers, not to mention the power to cite for contempt any person who defies our authority,” babala pa ng senador.

Matatandaan na sinuportahan pa ni Lacson ang kampanya ni Duterte laban sa kriminalidad, subalit kinuwestyon naman nito ang pagsusulong ng citizen’s arrest lalo na ang shoot-to-kill order sa mga papalag sa pag-aresto.

Sa panig naman ni De Lima na dating pinuno ng Commission on Human Rights (CHR) bago na­ging justice secretary sa ilalim ng Aquino admi­nistration, siniguro nitong hindi mananahimik ang Senado oras na magkaroon ng mga reklamo ng pang-aabuso sa ilulunsad na giyera kontra kriminalidad.

Katwiran ng senador na hindi sila inihalal ng taumbayan para maging dekorasyon at rubber stamp lang sa Duterte administration.

“I am confident that despite these threats of suppressing Senators and Congressmen who dare investigate govern­ment abuses, they will continue to fulfill their mandate as the people’s last gua­rantee against a possible tyranny of the executive branch,” ani De Lima na binansagan ding “The Balls” dahil sa tapang nito.

Sa talumpati ni Duterte sa nakaraang thanksgiving party sa Cebu, binalaan nito ang mga mambabatas na huwag maging sagabal sa kampanya nito laban sa illegal drugs at kriminalidad sa pagpapatawag ng imbestigasyon.

“Don’t investigate me. The road will end with me. The buck stops here. We are going to have a fight,” anang President-elect.

Reaksyon dito ni De Lima, kung totoong sinabi ito ni Duterte, parang pinapatay na nito ang ‘check and balance’ sa gobyerno at nagdudulot ng “chilling effect” ang mga paha­yag na ito sa Kongreso.