Una sa Balita

Hindi kami batang paslit!

0 341

By Dindo Matining

HINDI papayag si Senador Panfilo Lacson na magsagawa ng imbestigasyon ang United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa isyu ng extra-judicial killings sa bansa

Sabi ni Lacson, mas makabubu­ting bigyan na lang ng pamahalaan ang mga bansang kasapi ng UNHRC ng komprehensibong ulat tungkol sa anong nangyari sa war on drugs ng pamahalaan.

“Ang pinaka siguro at best, ang pwede nating gawin, gumawa tayo ng comprehensive report kung ano talaga ang lowdown, ano ang nangyayari sa ating drug war at pwede natin silang bigyan,” pahayag ni Lacson sa panayam sa dzBB kahapon.

“Pero para payagan nating mag-imbestiga sila rito, parang sampal naman sa atin ito. Para tayong batang paslit na hindi alam ang ginagawa,” dagdag pa nito.

Sabi ni Lacson, kahit anong ahensiya aniya ng gobyerno ay maaring magsagawa ng ulat basta’t may basehan ito.

“Makikita naman kung dinuktor ang report, at kung biased naman ang report, halimbawa ipaubaya natin sa Commission on Human Rights natin yung paggawa ng report, ganun pa rin e,” ani Lacson.

“Wala namang statute yung Commission on Human Rights para magpadala ng report on behalf of the Philippine government, kundi ang magsa-submit ng report, if at all, yung executive branch. At dapat nakasaad din doon kung ano yung action taken,” sambit pa nito.

Naniniwala din si Lacson na walang pressure sa panig ng gobyerno para sumunod sa pa­nawagan ng resolusyon dahil hindi ito naaprubahan ng mayorya ng mga miyembro ng UNHRC.

Umabot lang sa 18 miyembro ng UNHRC ang pumabor sa resolusyong inihain ng Iceland na maimbestigahan ang war on drugs ng Pilipinas. 14 bansa naman ang kumontra na kinabibilangan ng China at 15 ang abs­tain.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy