Una sa Balita

HINDI ITO SI FERNANDO!

By
0 3

Hirap na hirap na nga ang pamilya ni Fernando Peralta, 52, na matanggap ang mapait niyang kamatayan sa Israel kung saan siya nagtatrabaho bilang caregiver, napatungan pa ito ng dagdag hinagpis nang buksan ang inuwing kabaong at tumambad sa kanila ang isang estranghero.

Sa panayam ng Abante kay Abigail Peralta, 38, naninirahan sa No. 259 Jalung St., Porac, Pampanga at pamangkin ng nasawing si Fernando, sinabi nitong 10 taon nang nagtatrabaho bilang caregiver ang kanyang tito sa Tel Abib, Israel.

Kuwento ni Peralta, dumating ang maling bangkay na nakalagay sa selyadong kabaong noong Sabado ng ala-una ng hapon sa cargo ship sa Ninoy Aquion International Airport (NAIA) Terminal 1 na kung saan nila ito sinalubong.

Abante Hiring – IT dep

Subalit aniya hindi pinasilip sa kanila ang bangkay ng kanyang tito upang mabatid nila kung ito ang nasa loob ng kabaong na kung saan agad itong isinakay sa isang sasakyan at idineretso sa Punzalan Funeral Homes sa Porac, Pampanga.

Nang pabuksan ni Jun Peralta, 44-anyos, na bunsong kapatid ng yumao, ang kabaong ay nakumpirmang hindi ito ang kanilang kaanak.

Upang makasiguro sila, sinuri ni Jun ang mga ngipin ng bangkay. Nabatid na pustiso ang ngipin ng kanyang kapatid.

Bukod pa rito ay mayroong malaking nunal sa gitna ng noo si Paralta ngunit ang maling bangkay ay wala. Mukha rin umanong Thai national ang lalaki dahil singkit ang mata at kumpleto ang ngipin nito.

Agad naman itinawag ni Jun sa kanilang kaanak na babae na si Grace Roque Lacxa na nagtratrabaho rin sa Isarel ang tungkol sa maling bangkay na naiuwi sa Pilipinas.

Nakipag-ugnayan naman si Lacxa sa consul ng Philippine Embassy sa Israel na si Wilson Santos at ini-report nito ang pagpapauwi nila ng maling bangkay.

Agad namang naki­pag-ugnayan si Santos sa Ichilov Hospital sa Israel hinggil sa maling bangkay na ipinauwi sa Pilipinas.

Napag-alaman na isinugod noong Mayo 16 si Pe­ralta sa nasabing pagamutan dahil sa sakit sa puso.

Makalipas ang 10 araw, Mayo 25, ay binawian ng buhay ang OFW matapos ma-comatose nang ilang araw.