Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Hindi habambuhay iiwas

0 99

“The important thing is never to stop questioning.” ~ Albert Einstein

Sa lahat ng mga tumakbo noong nagdaang Eleksyon 2022, si dating Senador Bongbong Marcos ang tanging may bitbit na napakaraming bagahe.

Ito rin marahil ang dahilan kung bakit takot siya o iniiwasang dumalo ng mga political debate. Nanawa na rin siyang sagutin ang paulit-ulit na tanong tungkol sa Martial Law, Ill-gotten wealth at ginto.

Pero ngayong malinaw na ang kanyang destiny na maging susunod na Pangulo ng bansa, may ilang mga isyu na bahagi na rin ng ating kasaysayan ang posibleng ma-kompromiso sa kanyang panunungkulan.

“Pagkakaisa” ang pangunahin niyang mensahe sa kanyang buong kampanya at narito ang ilang mga usapin na tiyak ay hahamon sa mensaheng ito at sa uri ng kanyang magiging pamumuno.

Tuloy pa rin ba ang pagdeklara ng People Power Revolution (Edsa 1) bilang ‘national holiday’ tuwing sasapit ang February 25 ?

Papalitan ba ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ibalik sa Manila International Airport ?

Tuluyan na kayang aalisin ang mga larawan nina dating Senador Ninoy Aquino at dating Pangulo Corazon Aquino sa P500 peso bill ?

Makolekta na kaya ng Bureau of Internar Revenue (BIR) ang may P203 bilyon na estate tax sa pamilya Marcos ?

Ano ang mangyayari sa kanyang disqualification case (DQ) na iniakyat sa Korte Suprema ng mga petitioner ?

Tuluyan na kayang mabaon ang paghahahanap sa P125 bilyon na ‘ill gotten wealth’ ?

Paano na ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos sa kabila na may kinakaharap siyang contempt judgement na inilabas ng korte ng Estados Unidos noong 1995. Ang danyos kaugnay ng paglabag sa human rights ay umabot na sa $353 milyon noong 2011 o P18 bilyon?

Sa pinakahuling isyung ito, ang sagot na natanggap mula sa kanyang chief of staff at tagapagsalita ay “NEXT QUESTION PLEASE!”

Yan ba ang aasahan pa rin sa kanilang kampo, ang patuloy na pag-iwas sa ilang kontrobersyal na usapin ?

Hindi habambuhay ay maaaring iwasan ang mga tanong. Ang pag-iwas ay karuwagan at kawalang kakayahan na tanggapin ang katotohanan.

Napakahalaga para sa isang gobyerno ang ‘transparency’ o pagiging bukas para sa kapakanan ng mamamayan.

Mas malawak pa sa isang debate ang mundong papasukan mo. Hindi ka na makakapagtago. Mauubusan ka na nang dahilan.

Dito sa mundong ito, hindi na katunggali sa politika ang makakasama mo kundi ang milyong Pilipino na pamumunuan mo at nagbigay ng tiwala sa iyo para paginhawain ang kanilang buhay.

Kaya dapat lang na lagi kang present!

At oo nga pala, bantayan pala natin ang presyo ng bigas.

Walang Personalan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.