Una sa Balita

Hindi daw marunong magbilang ng pera si Tugade

0 163

Kumbinsido si Pangulong Rodrigo Duterte na walang bahid ng korapsiyon si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa kabila ng mga alegasyon laban sa Kalihim.

“He does not even know how to count his money,” pahayag ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Cagayan de Oro City noong nakaraang linggo.

Isang abogado at negosyante si Tugade bago pumasok sa gobyerno. Sabi pa ni Pangulong Duterte, bilyonaryo ang Kalihim ng DOTr.

Subalit kung seryoso man o nagbibiro lamang ang Pangulo nang sabihing hindi marunong magbilang ng sarili niyang pera si Tugade ay isang bagay na kakatwa lalo pa’t sangkaterbang mga proyektong pang-impraistraktura ang nakalinya ngayon sa DOTr na kanyang pinamumunuan.

Hindi lang mga simpleng proyekto ang isinusulong ng pamahalaan ngayon na ang pangunahing magpapatupad ay ang DOTr. Malalaking proyekto ang mga ito at nakakalula ang halaga ng perang inilaan ng pamahalaan. Ang misyon ni Tugade bilang Kalihim ng DOTr ay masimulan at matapos ang mga proyekto sa ilalim ng ‘Build, Build, Build’ program ng administrasyon.

Para sa isang kagawaran na katulad ng DOTr, mahalagang may malalim na kaalaman hindi lamang sa mga proyektong hawak nila kundi gayundin sa pananalapi ang namumuno dito. Paanong maipatutupad nang maayos ang ‘Build, Build, Build’ program kung mismong tagapagpatupad nito ay hindi marunong magbilang?