Una sa Balita

Hindi dapat pumipila ang mga nanay para bumili ng murang bigas

0 279

Pumila ka na ba ng matagal para lang makabili ng mas murang bigas ga­ling sa National Food Authority (NFA)? Ilang linggo nang nasa balita ang pagsirit ng presyo ng mga bigas sa merkado kasabay nang halos kakaunti na lamang ang mga ibinebentang murang bigas ng NFA sa mga bilihan.

Hindi naman maipagkakaila na hindi kaya ng mga kababa­yan nating mahihirap ang mataas na presyo ng komersyal na bigas sa mga palengke kaya’t umaasa ang karamihan sa nilalako ng NFA. Sa haba ng pinipila ng mga kababayan natin sa araw-araw, hanggang limang kilo lang kadalasan ang puwede nilang bilihin upang ‘di raw maubos ang stock ng NFA.

Ubos oras na nga ang pinila, konti lang ang puwedeng bilhin ng ating mga kababayang nagtatyaga sa NFA rice.
Sa gitna ng kaguluhang ito ay labis na apektado ang ating mga nanay na nais lamang makabili ng murang bigas para mapagkasya ang kakarampot nilang budget para sa pamilya. Naubos na nga ang oras sa kapipila ay babalik pa kinabukasan o sa makalawa upang pumila ulit ng mahaba para sa murang bigas.

Alam ba ninyo na hindi dapat nagtyatya­ga ang ating mga nanay sa mahabang pila ng bigas? At isa pa, hindi rin dapat nagmahal ang mga komersyal na bigas sa mga pamilihan. Ang kaguluhang ito ay isa lang ang puno’t dulo. Korapsyon.
Nitong nakaraang Lunes ay ibinunyag ko sa Senado ang katiwalaan sa pamumuno ng dating NFA Administrador Jason Aquino ang siyang sanhi ng pagkakaroon ng problema ng bigas sa Pilipinas.

Nagkaroon kasi ng sabuwatan sa pagitan ng mga insiderssa NFA at ang mga walang habag na mangangala­kal ng bigas. Sumirit ang presyo ng bigas galing sa mga pribadong negosyante dahil pinasadsad ang laman ng buffer stocks sa NFA. Pinatengga rin ang pasok ng mga inangkat na bigas sa mga pier para maka-posisyon muna ang mga negosyante at makabenta ng mahal. Ginamit din nila ang mga pinopronta nilang mga cooperative at mga samahan ng magsasaka para mapalakas ang hawak nila sa mga rice cartel.

Habang nagtityaga sa mahabang pila ang ating mga nanay para makabili ng murang bigas, ang mga korap sa NFA ay kumikita ng dalawang bilyong piso sa entrance fee pa lamang. Hindi pa kasama ang iba’t ibang bayad para iba pang modus sa loob ng ahensiya.

Paano na lamang ang kakarampot talaga ang kita? Magtyatyaga ang iba sa gutom o ‘di kaya ay isang beses na lamang isang araw kakain dahil hindi nila kaya na ang presyo ng bigas. Habang nagpapakasasa ang iilan sa NFA ay nagugutom naman ang marami sa atin. Dahil dito ay iimbestigahan natin at papanagutin natin sa Senado ang mga korap sa NFA. Hindi kailangang magtiis sa gutom at sa mahabang pila ang ating mga kababayan. Itigil na ang mga korap na gawaing ito. Para sa sikmura ng ating mga pamilya, pananagutin natin sila.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy