Una sa Balita

Hindi biro ang mga patayan sa war on drugs

By
0 260

May kasabihan na ang isda ay nabibingwit sa bunganga. Sa mga bagong pahayag ni Pangulong Duterte tila pag-amin na ito na ang gobyerno ang nasa likod ng mga extra-judicial killings (EJKs) sa bansa, partikular na ang mga pinagsusupetsahang sangkot sa iligal na droga.

 Sa naging talumpati ni Duterte sa Malaybalay, Bukidnon, sinabi niya na hiningi niya sa Diyos na dalhin sa langit ang mga biktima ng EJK at idinugtong niya na: “Sabi naman ng Diyos, ‘Pwede pwede’. O gagawin ko ba ‘yan kung walang guarantee”. Tila inamin na niya na direktiba talaga niya ang mga patayan kaugnay ng giyera kontra droga. Maaaring igiit na naman ng Malacañang na na-misinterpret lang ng mga kritiko ang kanyang naging pahayag, ngunit sa publiko ito ay matuturing nang pag-amin na siya pa rin ang puno’t dulo ng mga nangyayaring patayan sa lansangan.

 Kailanman ay hindi dapat gawing katatawanan ni Duterte ang mga patayan sa ilalim ng kanyang giyera kontra iligal na droga. Hindi biro ang 23,000 pamil­ya na nawalan ng magulang, anak at kapatid. Hindi biro ang ma­ging biktima ng hindi makatarungang pagpatay nang wala man lang paglilitis at hindi man lang nabigyan ng pagkakataon maipagtanggol ang sarili sa mga akusasyon.  Lalo’t hindi biro ang nabubuong kultura ngayon ng pag­labag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Nananaghoy ng hustisya ang pamilya ng 23,000 napatay sa giyera kontra iligal na droga kasama na ang 4,000 na napatay sa mga police operation dahil “nanlaban” umano habang sila ay tinatangkang dakpin. Samantala, wala rin ta­yong naririnig na development sa kaso ng 19,000 biktima ng ri­ding-in-tandem. Karamihan ng tinatarget ay mga mahihirap kung kaya’t wala silang kakayahan na gumawa ng hakbang para makamit nila ang hustisya. Habang ang mga mayayaman at malalaking druglord ay inaabsuwelto.

Sa mga mahihirap na pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga, sentensya agad ng kamatayan ang ginagawa sa kanila. Ang masaklap dito ay sa kabila ng libo-libong patayan, talamak pa rin daw ang problema sa droga. Ang tanong ngayon, may nasolusyonan ba ang dalawang taong giyera kontra droga ng admi­nistrasyong Duterte?